Hindi pa naman siguro sakop si incoming Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman Martin Diño sa inilabas na memorandum ng Palasyo ng Malakanyang na nagbabawal magsalita sa ibang opisyal ng gobyerno in-behalf of President Rodrigo Duterte.
Alinsunod sa memorandum ay tanging si Presidential Spokesman Ernesto Abella lamang ang pinahihintulutang magbigay ng opisyal na pahayag ng Pangulo kaugnay sa mahahalagang isyu. Kapag wala si Abella ay saka maaaring pumapel si Presidential Communications Office (PCO)Sec. MartinAndanar.
Kaya naman nakakagulat ang pagsasalita ni Diño sa isang press conference hinggil sa kontrobersyal na drug-list na hawak ni Pangulong Digong.
Nabanggit kagabi ni Diño na may 50 celebrities ang kasama sa drug list ni President Rodrigo Duterte. Hindi lamang patikim ang ibinigay ni Diño sa dinaluhan nitong press conference dahil sinabi pa niyang majority sa celebrities ay party drugs users at tinatayang sampu sa mga ito ay pinaghihinalaan mga drug pushers.
Hindi naman nagpaka-atribida ang incoming SBMA chair dahil hindi niya pinangalanan ang mga sinasabing showbiz personalities na sangkot.
Pero, sinabi naman ni Diño na ang mga nasa listahan ay sumailalim na sa drug test.
Ano kaya ang magiging reaksyon ni PCO chief sa patikim na ito ng incoming SBMA chair? Hindi kaya mabulilyaso ang kanyang appointment dahil sa katabilan?
Huwag naman sana siyang matulad kay Ka Freddie Aguilar na iuupo na sana bilang head ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ni Pangulong Duterte pero nabulilyaso.
Kaya sana huling tsika na ito ni Diño lalo na’t napakasensitibo ng isyung kanyang pinakikialaman. Kahit sino nga sa mga kasalukuyang nakaupo ay walang may lakas ng loob na magsalita tungkol sa nilalaman ng drug-list ng Pangulo kaya sana huwag na, awat na.
Kung ako kay Diño, aralin ko na lang ang mga ginagawa ng isang SBMA chair upang hindi niya mabigo si Pangulong Duterte na nagtalaga sa kanya sa puwesto.