Hindi “teka-teka”!

Kahit anong reklamo, hindi maitatangging nagkaroon ng “kultura ng kahandaan” sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kapag pinag-usapan ang kalamidad o delubyo.

Sa dami ng kalamidad at sakunang tumama sa Pili­pinas sa nagdaang 6-taon, naging kultura ng kahandaan ang ipinamalas ng gobyerno; sinikap ni PNoy na maging alerto ang sambayanan, anumang uri ng kalamidad ang manalasa.

Ang modernisasyon ng Philippine Atmospheric­ Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang naging susi kung bakit nabawasan ang bilang ng mga nasasawi sa panahon ng pagbaha, bagyo, lindol at iba pang kalamidad.

Ang pagbuo ng Project Noah at Dream Project ang pinakamagandang nangyari sa PAGASA, as in sumikat ang bagong pag-asa dahil sakto ang bawat prediksyon; hindi umaasa sa hula at kuwento ng kapitbahay ang mga nagbibigay-babala o forecaster.

Isa sa halimbawa ang nangyari sa bayan ng San Francisco sa Camotes Islands, Cebu — walang nagbuwis ng buhay sa kabila ng matinding pananalasa ng bagyong Yolanda dahil naging alerto at handa ang mga residente; hindi kagaya ng Tacloban na mismong opis­yal, animo’y isinisi sa lahat ang responsibilidad pero inaabsuwelto ang sarili nito.

Ang mga aral at kampanya ng pamahalaan ang naging sandata ng mga taga-Camotes Islands kaya’t walang napinsalang buhay sa kanilang lugar. Mismong United Nations (UN) ang nagsabing mahusay ang pagtugon ng pamahalaan sa bagyong Yolanda dahil wala nang “humanitarian situation” dalawang buwan matapos ang bagyo.

Mismong si UN Development Program Senior Recovery Program Coordinator Yuri Afanasiev ang nag­larawang malapit nang maabot ng mga komunidad ang “early recovery” sa loob ng maikling panahon, malayo, aniya, sa lahat ng bansang nakaranas ng kasing-­lala na trahedya o kalamidad.

Mula taong 2010 hanggang 2016, nagkaroon ng mga makabagong kagamitan ang PAGASA para sa ­disaster risk reduction program, kabilang ang 12 bagong Doppler radars; 853 automated rain gauges;­ 479 water level monitoring stations; 86 automated weather stations.
Sa panahon din ni PNoy pinalakas ang PAGASA, patunay ang malaking pondong nailaan; mula P766 milyon noong 2010, ito’y umakyat sa P3.44 bilyon noong 2015.

Ang PAGASA’s Forecast track error naitalang 97.47km, mas mababa kumpara sa 120-km error threshold ng World Meteorological Organization (WMO), malinaw ang malaking pagbabago sa sistema dahil nagiging moderno ang mga kasangkapan nito.

Bagama’t maraming nagmamagaling sa pagsibak ni PNoy sa ilang tauhan sa PAGASA dahil inakalang pini-personal ng dating Pangulo tuwing ihahalimbawa­ ang kanilang kapalpakan, hindi nakikita ng mga ito ang magandang idinulot para mapabuti ang ahensiya na ngayo’y accurate ang bawat pagtaya, hindi “teka-teka” at lalong hindi tumitingala para hingin ang basbas ng mga bituin sa kalangitan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)