Hindi ba mas peligroso?

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Hindi na seselyuhan ang nguso ng mga baril ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Ang pagseselyo ng nguso ng mga baril ay nakagawian tuwing bago mag-Bagong Taon pero sa ilalim ng pamunuan ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay biglang babaguhin ang nakagawiang sistema.

Ang sa akin, hayaan nating subukan ang sistemang ito dahil pagpapakita ito ng tiwala ng liderato ng PNP sa kanilang mga tauhan.

Kaya nga lamang dapat ding isipin ng PNP na may mga tauhan silang mga pasaway na hindi nila hawak ang kaisipan lalo na’t wala sa duty.

Kaya dapat bago ang pagsalubong sa Bagong Taon ay mapaalalahanan ng liderato ng PNP ang lahat ng kanilang mga tauhan na maging responsable at huwag gagamitin ang kanilang mga armas sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na sa mga nagdaang pagsalubong sa Bagong Taon ay maraming insidente ng indiscriminate firing ang nangyari kung saan ay mga pulis at militar ang sangkot.

Nangyari ang walang habas na pamamaril noong mga panahong nakaselyo ang baril ng mga miyembro ng PNP.

Kaya malaking ha­mon ngayon ang kautusan ng PNP na hindi pagseselyo sa nguso ng mga baril.

Nasabi kong mala­king hamon dahil sakaling may magkamaling mga pulis tiyak na ang pinuno ng PNP ang uulanin ng batikos.

Pero huwag naman nating maliitin ang PNP na ngayon ay nagpapamalas ng ibayong husay lalo na sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Kaya sana nga ay walang maging pasaway na pulis o militar sa pagsalubong ng Bagong Taon upang hindi naman mapahiya ang liderato ng PNP.

Sa mga sibilyan ­namang de baril maging responsableng gun owner tayo at huwag gagamitin ang baril sa mga ganitong okasyon.

Sa ilan namang sadya talagang pasaway at hinihintay ang okasyong ito upang makapagpaputok ay maghunos-dili kayo dahil aktibo na ang netizens at anumang oras ay babalandra na sa social media ang inyong gaga­wing kalokohan.