Hindi basurahan ang Luneta

Matapos ang masayang pagsalubong sa Kapaskuhan ay naulit na naman ang tanawin sa Luneta noong nakalipas na taon kung saan sangkaterbang basura ang iniwan ng mga namasyal roon.

Sa kabila ng mga paalala at paulit-ulit na patalastas ng mga park official sa ­public address system ay tila tengang-kawali ang karamihan sa mga ­Pinoy na namasyal sa Luneta.

Karamihan sa mga nahakot ng mga taga-linis sa Luneta ay mga pinagkainang styro, plastic na kutsara at tinidor, at walang ­lamang plastic bottled water na itinambak lamang ng mga namasyal kung saan saan.

Tila hindi rin nag-isip ang mga nasa parke sa tamang se­gregation dahil ­sama-sama ang mga nabubulok at hindi ­nabubulok.

Sadya yatang madaling makalimot ang mga Pinoy dahil nangyari na rin ito noon at sa kabila ng mga puna at pakiusap ng mga opisyal ay ­hindi tinablan ang mga ­namasyal sa Luneta.

Dito makikita ang mga tao kung burara o maayos ang mga ito sa kanilang sariling tahanan.

Masakit tanggapin pero sadyang may mga Pinoy na walang pakialam at walang malasakit sa mga lugar na pinupuntahan.

Pero mas masakit ang impresyong iiwan nito sa pananaw ng ibang mga panauhin at mga dayuhan dahil ang pagkaburara ang ipinakita sa mga ito.

Sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaang lokal ng Maynila na pagandahin ang lungsod ay sadya yatang may mga Pinoy na walang malasakit at walang pakialam sa paligid.

Baka kailangan na ni Yorme na manawagan sa publiko, hindi lang sa mga taga-lungsod ng Maynila na nais mamasyal sa Luneta at paalalahanan ang mga ito na ang Luneta ay hindi tambakan ng basura kundi pasyalan ng lahat ng mga Pilipino.

Sadya yatang nakalimutan na ng mga ­Pinoy ang itinuro noong magsisimula pa lamang sa paaralan na good manners and right conduct (GMRC) kaya may katwiran ang ilang ­senador na buhayin ito dahil tila ba nalusaw na ang sentido kumon ng marami sa mga Pinoy.

Simpleng aksiyon na ginagawa ng mga Pinoy sa kanilang tahanan pero sadya talagang may mga burarang nakalakihan na kaya ginagawa kahit saan mapunta. Mga Pinoy nga naman! (Hindi ko po nilalahat).