Hanggang ngayon ay marami pa ang takang-taka kung bakit hindi pa rin maideklara ng gobyernong Duterte ang total ban sa pagpasok sa mga Chinese sa bansa kasabay ng paglobo ng bilang ng mga namamatay sa novel coronavirus-acute respiratory disease.
Base sa ipinalabas na pagbabawal ng gobyerno, mga Chinese national lamang mula sa Hubei at ilang piling lugar lamang sa China epektibo ang ban.
Ang desisyong ito ay ibinaba sa kabila ng pagkumpirma sa isang turistang Chinese national na positibo sa nCoV.
Hindi lamang sa nabanggit na kadahilanan tayo nababahala kundi dahil sa ginawa nang pag-ban ng maraming bansa sa mga biyaheng galing China.
Ibig sabihin naalerto na ang maraming bansa sa mga kaganapan sa China kaya mas minabuti nilang huwag na muna bumiyahe ang mga eroplano patungo sa kanilang mga bansa upang maiwasan ang pagkontamina ng virus sa kanilang mga mamamayan.
Ang ganitong desisyon ang hinihintay nating gawin ng pamahalaan para maagapan ang mas matinding problema katulad ng paglaganap ng virus.
Hindi naman diskriminasyon na matatawag ang gagawing ito ng ating pamahalaan kung saka-sakali kundi pagprotekta lamang sa ating mga mamamayan na maaaring maapektuhan sakaling kumalat ang nakakatakot na sakit na kahit sa China ay hirap pa ring maagapan.
Kaya ‘wag na dapat pang hintaying madagdagan ang bilang ng tinamaan ng nCoV bago ipatupad ang lahatang ban sa mga galing China.
Hangga’t walang total ban hindi makakampante ang sambayanang Pilipino lalo na’t mabagal at magkakaiba ang pahayag ng mga opisyal ng ating pamahalaan.