Dear Editor,
Ayon sa National Democratic Front (NDF) ay babayaran nila ang pamilya ng isang tindero ng isda na si Larry Buenafe na pinatay ng mga New People’s Army (NPA) dito sa Davao at sa pagkawala ng trabaho ng humigit kumulang isang libong manggagawa sa Mandug, Calinan, at Bunawan
Ang buhay ng isang tao lalo na ang isang ama na may binubuhay na pamilya at may nagmamahal na asawa’t mga anak ay hindi matutumbasan ng kahit anong halaga na ibabayad.
Kaya po ako sumulat at nagbigay ng aking opinion dahil kami po ay nabubuhay din sa pagtinda ng isda na siyang pinagkukunan namin sa pang-araw-araw na pangangailangan, kaya nang nabasa ko ang balita ako’y lubos na nalungkot dahil naisip ko na kung sa akin nangyari iyon paano na ang pamilya ko.
Sa kaguluhan na idinulot ng NPA at pagkawala ng buhay ng isang magulang, pagkawala ng trabaho ng maraming tao rito sa Davao ay isang malaking dagok o hamon sa ating lahat na kailangan natin magkaisa para puksain ang NPA.
Sa tingin ko hindi lang ito trabaho ng ating mga sundalo at pulis ito ay trabaho natin lahat dahil hindi namimili ng bibiktimahin ang mga teroristang NPA na ito.
Pagkatapos nilang patayin ang isang tao sasabihin agad nila na kanilang babayaran. Gagamit pa sila ng third party mula sa simbahan, bakit hindi sila mismo ang pumunta sa pamilya ng pinatay nila para makita nila ang hinagpis ng mga kaanak ng kanilang pinatay?
Ang pagkaalam ko hindi naniniwala sa Diyos ang mga kumunista, ginagamit lang nila ito para sa kanilang mga propaganda at kasinungalingan para bulagin at linlangin ang kaisipan ng mamamayan.
Sinasabi nila na sila ang tunay na sundalo at taga-pagtanggol ng mamamayan, ngunit bakit ganito ang kanilang ginagawa? Hindi ito gawain ng tunay na sundalo at taga-pagtanggol ng mamamayan, ito ay gawain ng mga taong pansariling kapakanan lamang ang iniisip.
Sa mga katulad kung Dabawenyo at sa mga kapwa ko Pilipino, magkaisa po tayo labanan natin ang terorista na mga NPA.
REY A CHAVEZ
Davao City