Hindi isyu ang sinseridad

editorial cartoon

editorial cartoonKinukuwestyon ng mga kritiko ng gobyerno ang ginawang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Margaux Justiniano Uson o mas kilala sa pangalang “Mocha Uson” sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ang tanong ng mga kritiko ng gobyerno, lalo na ni Ms. Uson ay kung bakit ito ang itinalaga gayong napakarami namang higit na may karapatang maluklok sa nasabing puwesto?

Para kay Pangulong Duterte, matalino at mahusay magsalita ang itinalaga niyang isa sa mga Assistant Secretary (ASec) ng PCOO.

Nabanggit din ng Pangulo na isa si Ms. Uson sa tumulong sa kanya noong panahon ng kampanya.

Nagboluntaryo at hindi nagpabayad sa kung anumang serbisyong kanyang ginawa noong ­panahon ng kampanya.

Aminado naman ang Pangulo na ang kanyang pagluklok kay Ms. Uson ay bahagi ng kanyang pagbabayad ng utang na loob sa mga nakatulong sa kanya noong kasagsagan ng kampanya na kanyang ikinatagumpay.

Sa ganang amin, karapatan ng Pangulo na magtalaga ng kahit sino dahil prerogative ito ng Pangulo ng bansa.

Ang sa amin lamang sana ay magampanan nang naa­ayon sa isinasaad na job description na iniatang kay Ms. Uson ang lahat ng kanyang gagawin.

Unang-una dahil ang kanyang pagkakatalaga sa PCOO ay hindi na lamang tungkol kay Pangulong Duterte na madalas niyang ipagtanggol katuwang ang kanyang milyun-milyong followers sa ilang kontrobersiyal na isyu kundi para na ito kapakanan­ ng sambayanang Filipino na mangangailangan ng tamang mga ­impormasyon tungkol sa iba’t ibang isyu.

Kaya hangad naming magampanan at mapanindigan ng bagong talagang PCOO Asec ang responsibilidad na iniatang sa kanya ng Pangulo sapagkat hindi lamang ang Pangulo ang dapat niyang pasikatan at pagsilbihan kundi ang bawat mamamayang Filipino na magpapasuweldo sa kanya dahil sa ibinabayad na buwis ngayong bahagi na siya ng mga opisyal na maglilingkod sa taumbayan.