Bilang host country, tamang ibigay ang mainit na pagtanggap sa bumibisitang si Chinese President Xi Jinping.
Gawin nating memorable ang makasaysayang state visit na ito ng lider ng isang kaibigang bansa.
Pero hindi dapat pirmahan ang napakalaking loan package sa pagitan ng Pilipinas at China sa pagbisitang ito.
Hinding-hindi dapat pumasok ang Pilipinas sa isang madugas na debt trap.
Narito ang napakaraming rason kung bakit hindi kailangan ng Pilipinas ang pautang ng China na kinabitan ng ligal na panghihimasok at joint exploration sa West Philippine Sea (WPS) at pati na sa Benham Rise.
Una, sa panahon ng Public-Private Partnership (PPP) ng nagdaang administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay naipatayo ang napakaraming mahuhusay at world-class na imprastraktura nang hindi nangungutang sa China.
Marami nga sa mga proyektong tatak-PNoy ay natapos at niri-ribbon cut ngayon ni Pangulong Digong Duterte.
Kabilang dito ang Mactan International Airport sa Cebu, ang Panglao Airport sa Bohol at ang kauna-unahang world-class landport sa Parañaque.
Ang tinatapos na MRT-7 mula Quezon City hanggang San Jose del Monte, Bulacan. Ang Skyway 3 na magdudugtong sa NLEX at SLEX at hindi mabilang na mga airport at seaport improvements, mga farm-to-market at tourism roads, tulay at transport facilities.
Idagdag pa ang mga biniling aircrafts, warships at naval patrols na bahagi ng modernisasyon ng AFP.
Lahat ito ay nagawa at patuloy pang tinatapos nang walang ‘debt trap’ sa China.
Ang SCTEX, nagawa sa ilalim ng JICA ng Japan. Nagpapautang ang Japan sa napakamurang interes na 0.25-0.75%. Nang hindi kinukursunada ang mga isla at karagatan ng Pilipinas.
Samantalang ang interes sa pautang ng China ay 2-6%. Sobrang taga!
Bakit sa PPP projects ni ex-Pres. Aquino na mahuhusay at world-class at kung saan mga trabahador na Pinoy ang nabigyan ng trabaho ay hindi kinailangan ang pahirap na TRAIN Law o dagdag na tax na siyang nagpasirit ng presyo ng mga bilihin?
Hindi rin kinailangang i-share at halos ipamigay ang WPS at Benham Rise.
Dahil hindi pinaporma ni PNoy ang Belt and Road Initiative (BRI) ng China na talaga namang isang patibong at kumunoy para sa Pilipinas.