NI: ROLDAN CASTRO

Tumalak si Judy Ann Santos sa online protest na “Laban Kapamilya”.

Pangalawang bahay ang turing niya sa ABS-CBN 2. Bilang isang ina, kapamilya at nagbabayad ng buwis ay inilabas niya ang kanyang opinion sa pagsasara ng Dos.

Nilinaw rin niya na hindi siya nagmamarunong sa batas pero naniniwala siya na hindi kailangang ipatigil sa ganitong pagkakataon ang nasabing istasyon.

“Ang tanong ko lang naman po, simple lang naman, siguro kahit nga grade 2 masasagot Ito, o kahit siguro grade 2, ito rin ang tanong, Ano pong nangyari sa proseso?” saad niya.

“Bakit po kinailangan na gawin ito sa ABS-CBN ngayon? Na sa panahon mismo ngayon na lahat tayo nasa bahay, na kasalukuyang natatakot at nag-iisip kung ano ba ang kinabukasan talaga natin.”

“Harapin po natin ang tunay na kalaban, hindi po kami ang kalaban,hindi po ninyo kalaban ang ABS-CBN, sa panahong ito, tayong lahat dapat ay magkakampi,” deklara ng Queen of Pinoy Soap Opera.