Hindi kami mukhang aso — Ombudsman

Hindi naiimpluwesiyahan at lalong hindi nadidiktahan ang tanggapan ng Ombudsman.

Ito ang giniit kahapon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales matapos tanungin kung may kina­laman si Pangulong Rodrigo Duterte sa kinahinatnan ng kasong plunder ni da­ting Pre­sident Gloria Arroyo.

“We are independent. We do not take orders from the President. We don’t take signals from the President. We do our duty in accordance with what is expected from us,” pagdidiin ni Morales.

Wala aniya silang sinusundan na guideline o kautusan.

“It is unfair to charged us to be lapdog of the present administration siguro naman hindi kami mukhang aso,” hirit pa ni Ombudsman Morales.

Sinabi pa ni Morales na hindi rin siya magbibitiw sa puwesto dahil lang sa pagkatalo ng isang kaso.

Aniya, hindi naman lahat ng kanilang inihahaing kaso ay puro na lamang panalo. Hindi rin aniya dapat ibuhos at ibagsak na lamang ang lahat ng sisi sa prosekusyon kapag natatalo ang kaso.

“Do I have to win all cases I file? Do you have to fault the prosecutors if they loses cases?” tanong pa ni Ombudsman Morales.