Hindi kapit-tuko

For the record by Jeany Lacorte

Jeane Lacorte

Mabuti pa sa lara-ngan ng sports buhay pa ang katagang delicadeza, hindi katulad sa politika.

Atin itong nabanggit dahil sa gina-wang pagbibitiw kamakailan ni Ricky Vargas bilang presidente ng Philippine Olympic Committee (POC).

Sa nakalap na-ting impormasyon, walang ibinigay na dahilan ng pagbibitiw si Vargas maliban sa pahayag umano nitong may iba pang leader sa sports na mas maibibigay ang kanilang panahon at interes para sa kapakanan ng POC.

Malayo tayo sa radar ng sports pero dahil sa init ng isyu ay nagmistulang natio-nal issue ang usapin kanyang irrevocable resignation.

Sabagay noon pa mang Abril ay may senyales ng hindi komportable si Vargas sa kanyang pwesto sa POC dahil hindi raw siya sanay sa kultura ng maruming politika at ito sana ang gusto niyang baguhin.

Sa katunayan plano ni Vargas na gawing honest at less political ang POC para makatuon sa mga prayoridad na programa sa halip na maubos ang oras sa mga away at politika.

Walang direktang tinukoy si Vargas pero hindi kaya ang totoong rason ng pag-alis ni Vargas ay ang intriga, politika, at korapsyon sa POC sa mahabang panahon?

Mahirap tanggalin ang ganitong karu-ming kultura kung ito na ang naging kalakaran sa POC ng mahabang panahon.

At ngayong wala na si Vargas mayroon pa kayang tapat, may integridad at prinsipyo sa POC na m­aghahangad itong repormahin?

Sa mga nakaka-kilala sa liderato ng POC, mayroon daw at ito ay sa katauhan ni Congressman Bambol Tolentino, POC chairman.

Si Tolentino ang sinasabing maaring magtuloy sa mga repormang nais itulak ni Vargas sa POC.

Dahil tulad ni Vargas hangad din daw ni Tolentino na magkaroon ng pagbabago sa POC para ito ay maging isang tunay at epektibong instrumento sa pagpapaunlad ng sports sa Pilipinas.

Sa katunayan hindi nag-aksaya ng panahon si Tolentino at nagpatawag ng special election para sa bagong presidente ng POC na balak niyang gawin sa General Assembly ng POC sa bukas, Hunyo 25.

Kailangang magtagumpay si Tolentino at mabura ang maduming politika sa hanay ng mga opisyal ng POC at Philippine Sports Commission na pansariling interes lang ang habol.

Well bukas na ito magaganap at abangan natin ang susunod na kabanata. Manaig sana ang pinunong may totoong puso sa sports.