Grabe ang resulta ng dalawang araw na bilihan ng pangarerang kabayo sa Fasig-Tipton Midatlantic Sales of 2-year-olds in Training.
Ang pinakamahal na nabili ay ang record na $1.5-million (P75-million) na anak ng pamosong Curlin mula sa anak ni Stormin Fever na si Franscat na nabili ng magkasosyong Breeze Easy at John Oxley. Nabili lang ito ng $475,000 sa Fasig-Tipton Kentucky July Yearling Sale.
Samantala, tatlong iba pa mula sa kilalang stallions ngayon sa mundo ang nabili din sa nakakalulang halaga.
Ang isang anak ni Ghostzapper ay nabili ng mag-asawang Charles at Susan Chu sa halagang $800,000 (P40-million), anak ni Distorted Humor sa halagang $850,000 (P42.5-million), at isang anak ni Orb sa halagang $710,000 (P35.5-million).
Ganyan kayaman ang mga namimili ng kabayo sa ibang bansa ganu’ng hindi pa nila nabibistayan kung gagaling ang mga ito sa pista kapag napasabak sa laban.
Sa ganitong mga presyo, halos bahagi na ito ng isang racing operation ng isang kuwadra sa bansa.
Kahit na makuha pa nito ang lahat ng malalaking pakarera sa bansa, hindi nito aabutin ang halaga ng ganu’ng presyo dahil sa kakulangan ng malalaking sponsors sa karera dito sa bansa.
Ito ang dahilan kung bakit hindi makapag-bid ng matindi ang mga Filipino investors na gustong bumili ng kabayo sa Amerika, Australia o New Zealand.