Hindi lahat ng abogado awtorisado magnotaryo

By Atty. Claire Castro

Dear Atty. Claire,

Itatanong ko lang po sana kung matatawag na legal ang isang dokumento kung ang notaryo nito eh hindi awtorisadong lawyer?

San po puwedeng iberipika kung ang isang abogado eh awtorisado at may kakayahan na magnotaryo.

Maraming salamat po.

Gumagalang,
Epifanio

Dear Mr. Epifanio,
Hindi po lahat ng abogado ay awtorisadong magnotaryo. Bago po sila maaa­ring magnotaryo ay magsasampa pa sila ng petition para ma­bigyan ng karapatan na magnotaryo. Ang dokumento patungkol dito ay makikita sa Office of the Clerk of Court (Notarial Section) kung saang lugar sila mayroong notarial commission o autho­rity to notarize.

May mga pagkaka­taon naman na sila ay may notarial commission noong nakaraang mga taon ngunit hindi na sila muling nag-file ng Petition for Notarial Commission matapos na mag-expire ito kaya maituturing rin na wala siyang authority to notarize.

Kung saan sila nagsampa ng petition at kung na-grant man ito ay doon lamang sila maaaring magnotaryo at wala silang karapatan na magnotaryo sa ibang lugar.

Tandaan na ang pagnotaryo ng dokumento ay maaari lamang na maipakita na ang dokumento ay reliable at maaaring totoo kung magkakaroon man ng usapin sa korte ngunit ang mga dokumentong hindi notaryado ay hindi nangangahulugan na peke o walang bisa. Iyon nga lamang ay papatunayan pa na ang mga pirma sa dokumento ay tunay samantalang kapag notaryado ito ay maiiwasang pag-usapan kung tunay ang pirma dahil may ‘presumption’ na regular ang pagsagawa ng dokumento na pinatotohanan sa isang notary public. Ngunit kung maipapakita naman na hindi tunay ang dokumento at imposible na pumirma ang parties dahil wala sa bansa o kaya ay physically impossible, halimbawa ay nasa ospital dahil kasalukuyang inoope­rahan o kaya ay na-stroke, ay maaari pa ring mapabulaanan ang notaryadong dokumento.

Kung may katanungan pa ay tumawag na lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.