Hindi umano lahat ng sinasabi ni Presidential Spokesperson Salvaor Panelo ay talagang sentimiyento ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson sa kabila ng pahayag ng Malacañang na ipinag-utos diumano ng Pangulo na imbestigahan si Philippine National Police chief Oscar Albayalde sa pagkakasangkot nito sa kontrobersyal na anti-drug-operation sa Pampanga noong 2013.
“Unang-una, si President Duterte ba mismo ang nag-utos? Hindi eh. Si Sec. Panelo ang nagsasalita. Alam din natin na minsan nagsasalita si Sec. Panelo na hindi naman talaga ‘yan ang sentimyento ng Presidente,” sabi ni Lacson sa panayam sa DZBB kahapon.
“So kung marinig natin mismo sa Pangulo na siya mismo nagsabing pinaimbestigahan ko o kaya wala akong tiwala o may tiwala ako, ‘yan ang dapat natin tanggapin na ‘yan ang totoo,” dagdag pa nito.
Ayon kay Lacson, hindi naman umano lahat ng sinasabi ni Panelo ay galing talaga mismo kay Pangulong Duterte kaya’t mahirap aniyang paniwalaan ang nanggaling sa bibig nito.
“Pero kapag ang kanyang spokesman na alam naman nating hindi lahat ng sinasabi ay dapat paniwalaan, mahirap magkomento kasi hindi natin sigurado kung talagang galing kay PRRD,” ani Lacson.
“Track record ito, kung may pangyayari sa nakaraan at lalabas na hindi pala ‘yan ang sentimyento ng Pangulo, alam nating may problema,” sambit pa ng senador. (Dindo Matining)