Hindi mahalaga ang sorpresa

Pabitin pa ang gobyernong Duterte sa pangunguna ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pag-anunsyo hinggil sa kung may magandang balitang ihahayag si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa.

Ang tanging nasambit ni DOLE Secretary Silvestre Bello ay may sorpresa ang Pangulong Duterte sa espesyal na araw na ito para sa mga manggagawa.

Kaya huwag nang maatat dahil hindi raw ito dagdag-suweldo kundi benepisyo.

Pero anuman ang sorpresang ito ng Pangulo nakatitiyak kaming dumaan ito sa masusing pag-aaral.

Sabagay kung pangako ay madali namang gawin ito ng Pangulo pero alam naming isinasaalang-alang ng gobyerno ang mga tatamaang sektor sakaling mangako ng buwan at bituin kaya matinding konsiderasyon ang ginagawa ng pamahalaan upang mapasaya ang lahat.

Ang sa amin, anumang sorpresa ng gobyernong Duterte ngayong Labor Day ay malugod na tatanggapin ng lahat dahil alam na­ming ito lamang ang nararapat.

Kanya nga lamang ang aming panawagan sa administrasyong Duterte ay istrikto naman sanang ipatupad ang mga ipinangako sa mga manggagawa katulad ng paglusaw sa ‘endo’ dahil ito pa lamang ay higit pa sa dagdag-sahod na kaloob sa mga manggagawang pinahihirapan ng pagpapairal ng contractualization.

Ang ‘endo’ ay matagal nang ipinangakong iimplementa pero hanggang sa ngayon ay may mga kumpanyang patuloy pa rin itong binabalewala kaya sana ay matutukan ito ng mga ahensyang may kinalaman sa pangangalaga sa kapakanan ng mga manggagawang­ Pinoy.