HINDI MANHID SI PDUTERTE — PALASYO

rodrigo-duterte

Handang makinig at hindi manhid si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang binigyang-diin ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar kaugnay sa posis­yon ng mga mambabatas na imbestigahang muli ang kaliwa’t kanang patayan sa war on drugs ng gobyernong Duterte kasama na ang kaso ng 17­-anyos na si Kian Delos Santos.

“Ito ang mahalagang isipin natin, sapagkat matapos pong mag-ingay ng oposisyon, matapos pong mag-ingay, maglabas ng sentimiyento ang pamilya ni Kian at matapos pong mailabas iyong CCTV at napanood po ng Pangulo, makikita naman natin na ang ating Pangulo ay nakikinig at tinitingnan din niya kung ano iyong nangyayari sa paligid, iyong sitwasyon ba,” ani Andanar sa isang panayam kahapon.

Nilinaw ni Andanar na binabalanse ni Pangulong Duterte ang mga bagay-bagay at hindi nakasarado ang isipan nito sa pakikinig sa sasabihin lamang ng mga pulis o sa bersyon ng mga tauhan nito.

“Iyong hindi lang iyong kung ano ang sina­sabi ng tauhan niya ay iyon lang ang pakikinggan ng ating Pangulo.

Kita naman natin, noong napanood niya ang CCTV, noong naram­daman niya iyong damdamin ng… siguro ng mga senador din habang sila ay nagsasalita, at nagdesisyon siya… nakita niya naman iyong CCTV… na habulin iyong mga pulis na may kinalaman dito. Kailangan managot talaga sila,” dagdag nito.

Ang importante, ayon­ sa PCOO chief, ay nakahandang pakinggan ni PDu30 ang lahat ng panig at hindi manhid ang ­Punong Ehekutibo.

“Iyon ang pinakamahalaga dito, that you have a government that is listening, iyong isang gobyerno na hindi po manhid.

Itong mga pana­wagan, iyong mga EJK-EJK, as we mentioned before pa na itong mga cases­ katulad kay Kian ay isolated case, sabi nga ni (Presidential) Spokesperson (Ernesto Abella) iyan.

Nangyari eh. Malungkot tayong lahat… at kaya nga ngayon ay nagdesisyon ang Pangulo na kailangan talagang managot iyong mga dapat managot,” paliwanag ni Andanar.

Sa panig naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, inihayag nito na “welcome” ang mga gagawing imbestigasyon sa Kongreso kaugnay sa madu­gong war on drugs ng kasalukuyang administrasyon pati na ang kaso ni Delos Santos.

“Wala namang problema sa pag-iimbestiga. Kahit si Presidente Duterte, gusto niya itong paimbestigahan, basta merong pang-aabuso. We welcome any investigation,” sabi ni Panelo sa hiwalay na panayam kahapon.