Congrats kay PCO Secretary Martin Andanar sa paglulunsad ng bagong website ng Philippine News Agency (PNA).
Pero, Mr. President Digong, kailangan po na i-modernize at pabilisin na rin ang internet natin kasi paano namin mapapanood ang magagandang app at website na ito kung sobrang hina ng signal at nakakainis ang kabagalan ng internet.
***
Taus-pusong pakikiramay ang ating ipinaaabot sa pamilya ni Quezon City Police Director Guillermo Eleazar dahil sa pagpanaw ng kanyang ama na si Victor ‘Toti’ Lagdameo Eleazar.
Bago inilibing ang mga labi ni ginoong Victor ‘Toti’ Eleazar, pinarangalan pa ito ng Philippine National Police (PNP) sa inauguration at blessing ng bagong Tagkawayan Municipal Police Station, isa sa pinakamalaki at pinakamagandang police station sa buong bansa, sa pamamagitan ng pagpangalan o pagbansag ng police station na “Victor ‘Toti’ Lagdameo Eleazar Building.”
Nalungkot si Director Guillor Eleazar dahil hindi na umabot ang kanyang ama sa natakdang blessing at inagurasyon ng bagong presinto. Naunang pumanaw ang mahal na ama ng ilang araw lamang bago sa takdang espesyal na okasyon.
Ngunit nabawi naman at natakpan ang lahat ng lungkot na ito ng labis na kasayahan sa araw ng inagurasyon ng presinto. Daan-daang kaibigan at bisita ang dumalo at nagbigay pugay sa kadakilaan, pagmamalasakit at pagmamahal sa bayan ng kanyang ama.
Ang paglilingkod at pagseserbisyo sa bayan at publiko ay nasa dugo ni Director Guillor Eleazar. Patunay na rito ang kapakinabangan na idinulot ng kabutihan ng kanyang pamilya sa mga residente ng Bayan ng Tagkawayan sa Quezon.
Napag-alaman din nating maging ang pamilya ng ina ni Ginoong Victor ‘Toti’ Lagdameo Eleazar na mula sa pamilya Lagdameo ay malaki rin ang naiambag sa Bayan ng Tagkawayan dahil sa mga donasyon na lupa at iba ibang lote ng Pamilya Lagdameo para mapatayuan ng mga pampublikong pasilidad ang Bayan ng Tagkawayan.
Mahirap sukatin ang pambihirang pagmamalasakit na ito ng Pamilya ni Director Eleazar at marahil walang salita na sasapat para ilarawan ang kanilang kabutihang loob at higit pa riyan, ang tunay na pagmamahal sa bayan.