Hindi na positibo ang pagdami ng mga POGO

Bago pa man pumutok ang Bulkang Taal ay pumutok na ang mga negatibong balita na kinasasangkutan ng mga Philippine Offshore ­Gaming Operator (POGO) na karaniwang sangkot sa iligal na ­aktibidades.

Kapansin-pansin ang sunod-sunod na pagsalakay ng iba’t ibang elemento ng ating pulisya sa mga bentahan ng aliw sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-bayan na pawang mga Chinese national ang nasasakote.

Paulit-ulit na sinasalakay ang bentahan ng aliw sa Makati City at ang pinakahuling sinalakay ng Philippine National Police (PNP) ay ang POGO sex den sa Parañaque at 12 Chinese na aktong nagbebenta ng aliw ang naaresto.

Isang lalaking Chinese ang nasa kustodiya ng pulisya dahil ito ­mismo ang nagbubugaw sa kanyang mga kababayan sa halagang P5,000 hanggang P15,000 kapalit ng ­panandaliang aliw.

Sinakop ng mga ito ang ilang palapag ng Go Hotel na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Avenue, Brgy. Tambo ng binanggit kong siyudad na ilang panahon nang namamayagpag ngunit sa kabutihang palad ay nasalakay na.

Noong una ay ­pawang mga nagtatrabaho ­lamang sa POGO ang pangunahing kustomer ng mga sex den na ito kaya tinagurian itong POGO sex den ng pulisya hanggang sa maging ang ating mga kapwa Pinoy ay kustomer na rin.

At kung dati ay ­pawang mga kliyente abroad ang hawak ng POGO na naglipana sa Metro Manila at mga karatig-bayan, hindi na ngayon dahil pinasok na rin nila ang sabong na isa sa pinakapaboritong sugal ng mga Pinoy.

Mismong ang Natio­nal Bureau of Investigation (NBI) ang nakadiskubre matapos nilang salakayin ang Sabong Universe sa loob mismo ng Fernando Coliseum sa Mabalacat, ­Pampanga nang ireklamo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ang naturang live stream sabong na napapanood sa ibang bansa ay nag-ooperate bilang POGO at lantaran ang operasyon nito sa kabila ng lahat na wala itong kaukulang lisensya.

Kaya napakalaki ng punto ni ­Pangulong ­Rodrigo Duterte na limitahan na ang ­pagrami ng POGO sa bansa na nagdudulot na ng ­malaking epekto at ­dagdag problema sa mga regulator.

Bagama’t nagbibigay ng trabaho ang mga POGO hindi naman dapat dumami ang mga ito na kahit saang sulok ng bansa ay tila kabuteng naglipana na at hindi na kayang ­bantayan.

Oo tanggapin ­natin na kumikita ang ating bansa dahil sa ibinaba­yad na buwis ng mga POGO ngunit hindi naman lahat sa kanila ay nagbabayad, ­dahil marami sa kanila ang hindi rehistrado sa ­Bureau of Internal ­Revenue (BIR).

Hindi ba’t noong nakaraang taon ay ilang POGO na ang ipinasara ng BIR, kabilang sa ipinasara ang Great Empire Gaming and Amusement Corp. (GEGAC) sa Libis, Quezon City dahil sa hindi pagbabayad ng P21.62 bilyon sa tax. Isinara rin ang branch ng GEGAC sa Subic at Parañaque.

Kaya labis ang paghanga ko sa desisyon ng Presidente, dahil sa laki ng kinikita ng ating bansa sa mga POGO ay minabuti niyang limitahan ang pagdami nito dahil sa dami nga nang mandaraya at lumalabag sa batas.

Ang masaklap pa, tila gasgas na gasgas ang paggamit sa POGO na naging dahilan para lalong bumilis ang pagdami ng mga Chinese sa ating bansa na nag­lipana sa mga pamilihan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

At ngayon nga ay nagkalat na rin hanggang sa mga maliliit na beerhouse ang mga babaing Chinese sa ating bansa na kung hindi maaagapan ay tiyak na mas dadami pa.