Hindi na sana masundan ang Davao bombing

Maaga akong natulog dahil sa trangkaso at paggising ko ng madaling-araw ay viral sa social media ang pagbobomba sa Davao City. Nakakalungkot dahil may mga tao o grupong walang pakundangan kung pumatay ng mga taong walang kalaban-laban.

Bigla kong naisip ang mga nangyayari sa Gitnang Silangan ang ginagawa ng mga terotista na bomba rito, bomba roon pero ang kanilang napapatay ay mga inonsenteng tao na walang alam sa kanilang ipinaglalaban.

Harinawa ay hind­i na masundan ang nakakalungkot na insidenten­g ito dahil maraming mamamayan ang nada­damay at pinagbabali­ngan ng mga kabalan ng gobyerno dahil hindi nila kayang harapin ang puwersa ng pamahalaan ng harap-harapan.

Kailangan ding magkaisa ang mamamayan para matulungan ang gobyerno para masigur­o ang peace and order sa bansa. Marami nang insidente na ang kaguluhan ay kayang pigilin ng mamamayan kung gugustuhin nila.

Tingnan ninyo sa Turkey­, hindi nagtagum­pay ang kudeta na ini­lunsad ng mga disma­yadong sundalo nila dahil ang mga tao ay naglabasan ng lansangan matapos marinig na inaagaw ng mga rebeldeng sundalo ang kanilang gobyerno.

Kung natakot ang mga mamamayan ng Turkey, malamang na militar na ang namumuno sa kanila ngayon pero dahil hind­i sila natakot lumabas ng lansangan ay napigil ang masamang balak ng kanilang mga sundalo na hindi pabor sa kanilang gobyerno.

Huwag na tayong lumayo… ang Edsa 1… hindi natakot ang mga Filipin­o na lumabas ng lansangan para pigilan ang mga tangke na gagamitin ng mga sundalo laban sa mga kontra kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Imbes na matakot tayo ay gamitin natin ang insidenteng ito sa Davao para maging mapagma­tyag sa mga nangyayari sa ating paligid dahil kung hindi natin ito gawin, baka mauwi sa mas malala­lang situwasyon ang nangyayari ngayon.

Nasa state of lawlessness na ang Pilipinas kaya kailangang tumulong tayo baka pa malala riyan ang idedeklara ng gobyerno kapag hindi napigilan ang karahasan sa ating bansa.

***

Napakaraming pera pala ang gobyerno na hindi nagamit noong nakaraang administrasyon. Nakakapanghina­yang na ang perang ito ay dapat napakinabangan ng mamamayan pero na­tulog sa mga ahensya.

Tulad na lamang ng natuklasan sa budget hea­ring sa Kamara na mayroong mahigit P200 bil­yon na unolbigated funds sa Department of Education (DepEd) at halos P300 bilyon naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi nagamit sa mga nakaraang mga taon.

Ilang skyway na ang maipapatayo sana ng pondong ito ng DPWH kung nagamit sa mga nakaraang administrasyon. Ilang kalsada sana sa mga probinsya na ang naipa­semento kung gamit ito?

Sa DepEd, nakakapanghinayang dahil alam natin na marami pa ang kulang na silid-aralan, maraming kulang sa libro kaya maraming estudyante ang nagpapali­tan o naghihiraman sa isang libro, maraming estudyante ang nagdadala ng sariling silya lalo na sa mga probinsya.

Malamang na hind­i lang ang DepEd at DPW­H ang maraming pondo na hindi nagamit, malamang sa malamang halos lahat ng mga ahensy­a ay mayroon niyan kaya ang suspetsa ng marami ay tril­yon ang ang mga natutulog na pera ng bayan gayung dapat noon pa ay napakinabangan na ng mamamayan ‘yan. Sana kapag humingi ang isang departamento ng pondo, gamitin at huwag patu­lugin.

(dpa_btaguinod@yahoo.com)