Hindi daw nagpapasuweldo at sinibak pa sa trabaho ang mga trabahador kaya pinatay ang isang Chinese businessman sa Valenzuela City noong Martes ng hapon.
Ito ang sinabi ng mga naarestong suspek na sina Edwin Llagas, 45-anyos, Mark Red, 35-anyos at Jonathan Llanita, 38-anyos, mga stay-in construction worker ng Charles Man Warehouse na nakabase sa No. 128 Sapang Bakaw Street, Barangay Lawang Bato ng nasabing lungsod, sa panayam ng TONITE.
Kuwento ng mga suspek, mahigit isang linggo na daw silang hindi pinasasahod ng napatay na si Su Yin Hai, 52-anyos, site in-charge ng nasabing kompanya at lalo pang nagalit ang mga trabahador dahil hindi na sila pinapasok pagkatapos ng barangay at SK elections noong Mayo 14.
Pero iginiit ng mga naaresto na hindi sila ang pumatay kay Su at napagbintangan lamang ang mga ito dahil halos 70 obrero ang nagtatrabaho sa Charles Man Warehouse.
Magugunita na noong Martes ng alas-4:20 ng hapon, galit na sinugod ng mga obrero sa opisina si Su habang kausap niya ang interpreter na si Anthony Lin, 41-anyos at ang engineer na si Efipanio de Mesa.
Hinataw ng bakal at pinagsasaksak ng mga trabahador ang kanilang amo habang sugatan naman si Lin na sinugod din ng mga construction worker.
Ayon kay sub-contractor Arnel Duhanon, ang Charles Man Warehouse ang nag-delay sa suweldo at plano pa silang palitan ng nasabing kompanya kaya nagwala ang mga trabahador nang hindi na sila papasukin sa trabaho.