BUGALLON, Pangasinan — Dahil lamang umano sa pagkain ay nagawa ng isang binata na pagtatagain hanggang mapatay ang isang senior citizen kamakalawa dito.

Ayon sa report, hindi umano pinagbigyan ng biktima na si Fernando Corpuz, 62, isang magsasaka, at residente ng Barangay Hacienda dito, ang hinihingi na pagkain ng nakilalang suspek na si Herbert Corpuz, 20, residente din sa nasabing lugar.

Dahil dito ay nagkaroon umano ng argumento o alitan ang dalawa hanggang nakahawak ng patalim ang suspek at saka pinagtataga ang matanda.

Kaagad namang dinampot ng mga awtoridad ang ‘di nakapalag na suspek matapos ang ginawang krimen.