Kahit ano pa ang sabihin ng mga kritiko ng Estados Unidos, ang bansang ito ang pinakamakapangyarihan pa rin sa buong mundo dahil lahat ng bansa sa daigdig ay tumutok sa katatapos lang na eleksyon.

Kung hindi makapangyarihan ang Amerika, hindi magkakainteres ang buong mundo kung sino ang ihahalal ng mga Amerikano na kanilang susunod na Pangulo kapalit ni President Barack Obama, na naka-dalawang termino na.

Ang ibang bansa, hindi pinag-uusapan ng mundo ang kanilang presidential election. Walang pakialam ang mundo kung sino ang inihalal sa isang bansa, lalo na ang mga third world countries.

Saka na lang malalaman na mayroon na palang nahalal na bagong pangulo sa isang bansa kapag mayroong international na pagpupulong ng mga world leaders at dadalo na s’ya.

Pero itong Amerika, sa preliminary pa lamang, tinututukan na ng mundo kung sino ang mananalo sa mga magkakapartido para maging presidential candidate nila hanggang sa maihalal ang magkakatunggali.

Medyo marami lang ang nalungkot dahil si Do­nald Trump ng Republican ang nanalong pangulo ng Amerika sa katatapos na eleksyon at tinalo ang pambato ng Democrat na si Hillary Clinton.

Talagang ganun, may mananalo at may matatalo sa isang laban at tanggapin man o hindi, si Trump ang pangulo ng Amerika sa susunod na apat na taon mula sa Enero 2017.

Sa bilangan, nanalo si Hillary Clinton, pero dahil sa electoral college na sistema nila, nanalo pa rin si Trump. Ang isa sa mga iniisip ko, hindi pa rin talaga handa ang Amerika na bigyan ng pagkakataon ang isang babae na mamuno sa kanilang bansa.

Ang Amerika ay kabilang sa iilang bansa na wala pang pangulong babae, kaya parang hindi pa talaga sila handa sa isang babae, samantalang sila ang nagsusulong sa gender equality.

Ang isinusulong nila, ayaw nilang praktisin. Samantalang ang aangas nila sa ibang bansa kapag hindi binibigyan ng pantay na pagtrato, pantay na puwesto sa gobyerno ang mga kababaihan sa isang bansa.

Ang isa sa mga napapansin ko, mukhang ginagaya na ng Amerika ang Pilipinas dahil ayaw nilang tanggapin ang naihalal na pangulo nila, dahil agad silang nagprotesta laban kay Trump.
Parang Pilipinas talaga, dahil ang mga suppor­ters ng natalong kandidato ay bumabastos sa tumalo sa kanilang manok.

Ang pagkakaiba lang ng Pilipinas ay ang mga li­der, dahil kapag natalo ang isang kandidato ay agad na nagko-concede sa kalaban at hindi na tatakbo sa electoral tribunal para iprotesta ang panalo ng kalaban.

Hindi rin naglilipatan ang mga Democrat sa Republicans na partido ni Trump, hindi tulad sa Pilipinas, dahil pagkatapos na pagkatapos ng eleksyon, nagbabalimbingan na dahil natalo ang kanilang manok.

(dpa_btaguinod@yahoo.com)