Noong panahon ng election, mayroong mga kandidato na nangako noon sa mga public school teachers na itataas ang sahod na kapantay ng mga sinasahod ng mga guro sa Taiwan, Singapore at iba pang mauunlad ng bansa.

Hindi na natin sasabihin kung sino ang pulitikong ito pero nanalo pero simula noon ay hindi na natin siya narinig ukol sa kanyang adbokasiyang itaas ang sahod ng mga guro ng hanggang P60,000 kada buwan.

Nangako rin si Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang tatapusin ang Endo o end of contract pero nang manalo ay mukhang nalaman nito na parang mahirap tuparin ang kanyang pangako kaya kahit mag-isang taon na siya sa kapangyarihan ay urong-sulong ang kanyang ipinangako na walang kontraktwalisasyon sa kanyang administrasyon.

Tayo kasing mga mamamayan, kapag nangako ang mga pulitiko sa panahon ng eleksyon ay naniniwala tayo kaya kapag hindi niya tinupad ay masamang-masama ang loob natin.

Hindi na tayo natuto na kapag panahon ng eleksyon, lagi tayong pinapangakuan at laging nakabase tayo sa kanilang plataporma na karaniwang hindi naman natutupad kapag sila na ang nakaupo.

Dapat sa mga susunod na halalan ay hamunin niyo na lang ang kandidato na gumawa ng kasulatan at manunumpa na kapag hindi niya tinupad ang kanyang pangako eh sa itatakdang panahon eh magre-resign.

Palagay ko walang papatol na kandidato sa ganitong hamon pero puwede niyong gawing batayan ‘yan kung siya ba ay karapat-dapat ninyong ihalal o hindi sa posisyong tinatakbuhan niya.

Kahapon ay ipinagdiwang ng mga kapwa nating obrero ang Araw ng Paggawa o Labor day at bukod sa pagsingil kay Duterte sa Endo promise nito ay gusto ng mga kapwa natin obrero na gawing P750 ang arawang sahod.

Isang negosyante ang kausap ko, maliit na negosyante na mayroong mahigit isa o dalawang dosenang manggagawa, ang nagsabi na mukhang suntok sa buwan ang P750 na arawang sahod.

Sa mga multi-national company siguro kaya nilang ibigay ang sahod na ito dahil marami silang negosyong pagkukunan pero sa mga maliliit na negosyante, magsasara na lang daw sila dahil hindi na nila kayang magpasahod.

Medyo may kataasan ang P750 na arawang sahod at entry level pa lang ng pagkakaintindi ng mga negosyante rito kaya masakit sa kanila kapag naging batas ito at kung hindi man sila magsasara eh magbabawas na lang sila ng tauhan para mabuhay.

Sino ba ang ayaw sa P750 arawang sahod kung tutuusin. Kahit ang mga negosyante gusto naman nilang umasenso ang kanilang mga tauhan pero kung maliit lang ang kanilang income eh hindi nila kakayanin ito.

Sabi ng negosyanteng kausap ko, ang ipagnenegosyo na lang nila kapag nagkataon ay ang mga tauhan nila at wala ng return of investment na tinatawag at hindi na sila lalaki kaya bakit pa sila magnenegosyo?

Isa pa, hindi na raw papasok ang mga dayuhang negosyante sa Pilipinas para mamuhunan dahil mayroon namang mga bansa sa rehiyon ang mababa ang pasahod sa mga obrero kaya mukhang hindi papayag ang gobyerno dito. Hindi pa panahon. (dpa_btaguinod@yahoo.com)