Nilinaw ng Malacañang na patuloy pa ring pinag-aaralan ang dalawang opsyon sa Charter Change at hindi pa pinal na Constitutional Assembly (Con-Ass) ang paraang gagawin sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na anuman ang maging desisyon tungkol sa paraang gagamitin sa pagbabago ng Konstitusyon ay makasisiguro ang bansa na ang kabutihan ng mamamayan ang mangingibaw at hindi ang interes ng mga mambabatas ang iiral.
Sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na mas nais ni Pangulong Duterte ang Con-Ass dahil maliit lamang ang gagastusin dito.
Umani naman ito ng pagbatikos kung saan sinabi ni constitution expert Fr. Ranhillo Aquino na hindi dapat pagtitipid ang gawing batayan sa Charter Change.
Sagrado umano ang nasabing hakbang at hindi budget ang dapat na magdikta sa kung ano ang nararapat na pamamaraan.
Sa panig ng Malacañang, dumepensa naman si Budget Secretary Benjamin Diokno sa pagbatikos kay Pangulong Duterte.
Ani Diokno, hindi naman budget ang pangunahing dahilan kung bakit pumapabor sa Con-Ass ang Pangulo bagkus ang tunay na dahilan umano ay nais nitong mapadali ang proseso at agad maipatupad ang federal government.
“Walang problema ang cost, kung kaya natin, kaya natin. Kasi this is a major overhaul of the Constitution, at nararapat naman na talagang baguhin ang Saligang Batas. Ang basa ko d’yan, nagmamadali si Presidente sa pagbabago,” paliwanag ni Diokno.
Sinabi pa ni Diokno na kung Con-Ass ang gagawing paraan ay halos wala nang gagastusin dahil mga mambabatas na ang siyang mag-aamyenda ng Saligang batas kumpara sa Constitutional Convention (Con-Con) na marami umano ang kailangang bayarang delegado, staff at pag-upa ng gusali bukod pa sa hindi umano kontrolado kung kailan ito matatapos.
Sa pagtantya ni Diokno ay P1 bilyon ang gugugulin kung aabutin ng isang taon ang Con-Con.