Hindi sana masakripisyo ang serbisyo sa mahihirap

editorial cartoon

Malaking porsiyento ng hinihinging pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tinapyas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa susunod na taon.

Mula sa P3.4 bilyong hinihingi ng DSWD bilang capital outlay sa susunod na taon, tanging P30.9 milyon lamang ang ipinagkaloob ng DBM.

Ang ipinagkakaloob na pondo ng DBM ay lumalabas na mas mababa ng 90 porsiyento sa capital outlay ng DSWD para sa 2018.

Dahil mas mababa pa ito sa 2017 capital outlay ng kagawaran nakaraang taon na P362.3 milyon.

Masyadong malaki ang ibinawas na pondo ng DBM sa hinihirit na budget ng DSWD.

Ang ating pangamba sa aksyong ito ng DBM ay hindi kaya ito humantong sa pagkaripisyo ng serbisyo ng DSWD?

Napakalawak at napakaraming pinagseserbisyuhan ang DSWD kabilang senior citizen, persons with disability, mga biktima ng sakuna at marami pang iba kaya nasaan ang katarungan sa aksyong ito ng DBM?

Hindi natin batid ang rason sa likod ng desisyong ito ng DBM pero sana ay mahilot pa at maibigay ang karapat-dapat na pondong kailangan ng DSWD dahil napakalawak ng pangangailangan ng ating mga kababayang mahihirap.

Makita sana ng DBM at ng ating gobyerno sa kabuuan ang matinding pangangailangan sa pondo ng DSWD para maisakatupara ang iba’t ibang mga programang naglalayong maitaas ang antas ng kabuhayan n gating mga kababayang mahihirap.

Umaasa tayong mabigyan ng konsiderasyon ng DBM ang hinihirit na budget ng DSWD pero dapat ay magamit sa tama ang bawat sentimong ilalaan dito ng gobyerno.