Masayang ibinalita ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may labindalawang (12) milyong bagong trabaho ang inaasahang magbubukas sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kasabay ng Golden Age of Infrastructure ay inaasahan ding magiging golden age of jobs, jobs, jobs ang liderato ng Pangulo.
Masayang ibinalita ni Bello na hindi lamang problema sa unemployment ang mareresolba nito kundi pati na rin ang layunin ng Pangulo na mapauwi na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa iba’t ibang panig ng mundo at dito na lamang mag-hanapbuhay sa bansa.
Ang gusto muna nating malaman ay kung ano na ang naging resulta ng nakalipas na “Mega Job Fair” noong Mayo 1, 2017 na sinasabing may mahigit sa dalawang daang libong (200,000) trabaho ang naghihintay sa mga tambay?
Ayon pa sa DOLE, 128,485 ang bilang ng mga trabaho sa ibang bansa; 69,944 naman ang bilang para sa lokal na trabaho; at mahigit sa 3,422 ang bilang ng trabaho sa pamahalaan.
Karamihan sa mga bakanteng trabaho sa abroad ay laborer, cleaner, service crew, electrician at nurse. Habang, pangunahing hanap sa lokal na trabaho ay production machine operator, customer service assistant, pulis, call center agent at office clerk.
Pero ang nakalulungkot, aminado ang DOLE na 20% o isa sa kada limang aplikante lamang ang natatanggap dahil sa hindi tugma ang kanilang pinag-aralan sa hinahanap ng mga employer.
Kaya gusto nating malaman ngayon ay kung sa iniaalok na mahigit dalawang daang libong bakanteng job positions ay ilang aplikante ba talaga ang kanilang natanggap.
Marami ba ang nag-qualify mula sa mga dumagsang job seekers?
Patuloy na problema talaga ang tinatawag na ‘mismatch’ na siyang kadahilanan kung bakit kakaunti ang natatanggap sa trabaho. Ang job vacancies ay taliwas sa kursong kinuha ng mga nagsipagtapos sa kolehiyo.
Gayundin, dahil sa hirap ng buhay ngayon, mas marami na ang mga kabataan ang kumukuha na lamang ng iba’t ibang vocational courses.
Bukod sa maliit na oportunidad na ibinibigay sa kanila ng lipunan dahil sa nararanasang krisis sa ekonomiya, napipilitan na lamang silang tumanggap ng mas mababang sweldo.