TWITTER history muli ang ginawa ng kalyeserye ng Eat Bulaga nu’ng Sabado nang bigyan ng Twitter ng CUSTOMIZED EMOJI ang official hashtag ng AlDub at EB nu’ng araw na ‘yon na #ALDUB1stAnniversary.

Kaya sa tuwing gagamitin ang nasabing hashtag ay may lumilitaw na special emoji na nakakabit dito, na mga kamay na naghugis-puso (na isa sa hand gestures na pinauso ng AlDub bukod sa pabebe wave).

Mga espesyal na event o promo lang ang ginagawan ng customized emoji ng Twitter, gaya ng international hit TV series na Game of Thrones, ang NBA Finals at mga ipinapalabas na malalaking Marvel movies.

Sa Southeast Asia ay pinakauna ang EB/AlDub na ginawan ng ganito ng Twitter, kaya sobrang proud ng AlDub Nation at tila mas ginanahan silang mag-tweet that day.

Umabot sa 6.3M ang final tweet count ng nabanggit na hashtag nu’ng Sabado, na nag-trend hindi lang sa Pilipinas at WORLDWIDE kundi maging sa iba’t ibang bansa at cities around the world.

Sa pagkakaalam namin ay ang Eat Bulaga lang (o ang kalyeserye segment nito in particular) ang nag-iisang TV show sa buong mundo na nag-TREND sa Twitter FOR ONE WHOLE YEAR na E­VERYDAY ay milyun-mil­yong tweets ang tinatala nito.

Kinikilala ng Twitter Southeast Asia ang social media phenomenon na ‘yon, kaya bilang parte ng selebrasyon ng u­nang anibersaryo ng AlDub ay inilabas nila ang nasabing emoji!

***

Wedding levels ang peg nina Alden Richards at Maine Mendoza sa prod nila nu’ng Sabado nang i-present ang iba’t ibang karakter ng kalye­serye.

Naka-groom outfit si Alden at naka-bridal gown si Maine with matching bouquet of flowers.

Flower girl at ring bearer ang dalawang bagets na sina Ryzza Mae Dizon at Baeby Baste.

Umapaw ang kilig sa Broadway studio dahil sa tamis-tamisang moments nina Tisoy at Menggay.

Tama ang hula namin na ‘yun na ang ENDING ng kalyeserye at simula na ng bagong kabanata sa buhay ng AlDub.

Ikinuwento ni Lola Nidora (Wally Bayola) ang tunay na pagkatao at pinagmulan ni Divina (Maine), na isa palang sanggol na iniwan sa may pintuan ng mansyon kaya inampon ni Lola.

Ini-reveal doon ni Lola Nidora na si Divina ay si MAINE MENDOZA, na pati si Alden ay tinawag niya sa tunay nitong pangalan na RICHARD FAULKERSON, JR.

In short ay wala nang mga karakter na gagampanan ang dalawa, totohanan na simula nga­yong Lunes.

Dayalog ni Alden, kahit sino pa si Divi­na, mapa-Yaya Dub man ito o Maine Mendoza, “Siya lang ang laman ng puso ko!”

Pa-girl si Meng sa sinabing ‘yon ni Tisoy.

Binigyan sila ni Lola ng padlock, tapos ay namigay sa audience ng mga susi.

Ang sabi ng matanda, ito na ang hudyat ng bagong simula at bagong yugto sa buhay ng dalawa.

Kinantahan sila ng surprise guest na si Bryan White, na first time mag-guest sa EB matapos mag-hit muli ang kanta nito dahil sa success ng AlDub.

Parang hirap na hirap kumanta si Bryan at hindi na niya kayang awitin ang God Gave Me You in his original version.

Na-touch pa rin ang AlDub na dumating siya sa anniversary.

Naging emosyonal ang Pambansang Bae at mangiyak-ngiyak ito habang nagdu-duet sila ni Maine ng Imagine You & Me, na napapalibutan sila ng kanilang loyal fans na may mga hawak na lobo.

***

Ang sabi ni Maine kay Alden, ang bilis ng mga nangyari sa buhay nila sa loob ng isang taon.
Ang daming nagbago in a good way.

Parang himala ang nangyari sa kanila, sey ni Meng.

“Ako, sobrang nagpapasala­mat ako sa Diyos na nandito ka sa harap ko ngayon, kasama kita. And habang buhay akong magiging thankful sa Diyos, sa ‘yo, at sa lahat ng mga sumusuporta sa atin.

“Gusto kong malaman mo na kahit anong mangyari, meron ka talagang special spot sa puso ko. Hindi na mawawala ‘yon kahit anong mangyari,” bulalas ng 21-an­yos na Phenomenal Star.

Nagpasalamat si Alden kay Meng para sa lahat-lahat.

Sa pakikinig nito sa mga sinasabi niya at sa mga problema niya. Sana raw ay huwag silang magbago sa isa’t isa.

“Siguro, talagang ginusto ng Diyos na magkakilala tayong dalawa para mangyari lahat ng ‘to.

Para hindi lang mabago ‘yung buhay natin kundi para mabago rin ‘yung buhay ng mga naniniwala,” naiiyak na sambit ng 24-anyos na Kapuso heartthrob.

“So, thank you. Huwag kang mag-alala, Menggay. Hinding-hindi kita pababayaan.”

Sinagot ito ng dalaga ng, “So, huwag ka nang malungkot. Lagi ka nang nakangiti. Ayan…”

Tapos ay sabay silang humirit ng, “‘Yung ngi­ting tagos hanggang bone marrow!” sabay tawa.

Humingi ng kiss si Allan K at ang studio audience mula sa AlDub. Sinabi ni Tito Sen na mag-kiss sila sa pisngi, na ginawa naman ni Alden.

Nu’ng si Meng na ang ki-kiss sa pisngi ni Tisoy ay humarap ito sa dalaga, kaya nagtama ang mga labi nila!

Ang ending ay kinidnap si Lola Nidora, na tila hudyat na GOODBYE na rin ang karakter nito, na tulad ng AlDub ay minahal din ng napakara­ming Pilipino.

***

May mahabang anniv post si Maine for Alden sa Instagram nu’ng Sabado kung saan inulit niya na kahit anong mangyari ay hindi ito mawawala sa kanyang puso.

“What happened on the 16th day of July 2015 will live on in people’s hearts until the end of time. We might not know what the future holds but you should know that no matter what happens, you already have this special place in my heart.

“And I want you to know that even if we end up being together or not, that spot is yours — fore­ver. Happy first anniversary, Alden Richards. Thank you for everything,” bahagi ng caption ni Meng sa IG, na ang sweet nu’ng pic na kini-kiss siya ni Meng sa cheek habang nasa speed boat sila sa Lago di Como.

***

Kahapon sa Sunday PINASaya ay nag-guest ulit si Maine at nag-duet sila ni Alden ng Ima­gine You & Me, tapos ay nagpasalamat sa lahat ng nanood sa movie nila.

Pag-exit ni Meng ay crylaloo si Alden nang ibigay sa kanya ng GMA Records ang bago niyang award para sa sales ng kanyang Wish I May album.

Si Marian Rivera ang nag-abot kay Tisoy ng kanyang 7X plati­num award. Halos hindi makapagsalita ang binata sa kakaiyak.

Nagpasalamat siya na kahit marami nang nagdududa at nag-give up sa kanya ay meron pa ring mga hindi bumibitaw.

May binanggit din siya na kahit may mga nagdidikta, alam ng mga tao kung sino ang may mabuting puso.

Hirit ni Marian kay Alden, kung totoong fans niya, kahit ano pang mari­nig ng mga ito ay hindi siya iiwan.

Cry din si Ai Ai delas Alas, na parang anak na ang turing kay Alden na kung tawagin nito ay RJ!