Hinihinalang terorista, naharang sa NAIA

Isang Pinoy na hinihinalang terorista ang naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon ng umaga.

Sa ulat ni BI Port Operations Division Chief Red Marinas, alas-8:30 ng umaga kahapon nang maharang nila si Abdulpatta Escalon Abubakar na dumating sa bansa mula sa Jeddah, Saudi Arabia sakay ng Philippine Airlines Flight PR 633.

Nang sumailalim umano sa secondary inspection ang nasabing indibidwal, lumabas na ito ay isang hinihinalang terorista at hinihinalang tagasuporta ng isang lokal na teroristang grupo.

Nabatid din na si Abubakar ay nasa listahan ng persons of interest ng Philippine National Police-Intelligence Group (PNP-IG) at ng US Embassy.

Kaagad namang ipinaalam sa PNP-IG ang pagkakaharang kay Abubakar at sa iba pang intelligence agency ng pamahalaan.

Matapos sumailalim sa secondary inspection at maiproseso ang kaukulang documentation kay Abubakar, inilipat na ang kustodiya sa kanya sa PNP-Counter Terrorism Group para sumailalim sa kaukulang imbestigasyon.