Hiningan ng P30,000 downpayment! Buntis na tinanggihan ng 6 ospital namatay

Matapos na tanggihan sa pinagdalhang anim na ospital at hingan ng P30,000 downpayment, namatay ang isang ginang sa panganganak matapos na maubusan ng dugo noong Biyernes.

Sa pahayag ng mister na si Jan Christian Bulatao, ng Barangay 183, matapos na mapaanak sa kanilang bahay sa Caloocan ay dinala niya ito sa ospital dahil kailangan na agad maoperahan upang tanggalin ang ‘placenta’ sa ‘uterus.’

Aniya, na-admit naman sila sa North Caloocan Doctors Hospital, subalit pinalipat sila sa Commonwealth Hospital and Medical Center dahil wala umanong suplay ng dugo sa nasabing ospital.

Pero tinanggihan umano sila dahil sa kakulangan umano ng mga silid at maraming may kaso ng COVID-9 sa ikalawang pinagdalhang pribadong ospital.

Paglipat naman ng mag-asawa sa Far Eastern University (FEU) Hospital sa Fairview ay agad na hinihingan umano sila ng P30,000 downpayment, at maging sa parking ay pinagbabayad umano sila.

Bukod dito, ayon kay Bulatao ay pinagbabayad sila ng P4,000 para sa personal protective equipment (PPE) na gagamitin ng FEU Hospital staff.

Dahil dito ay lumipat muli ang mag-asawa sa Bermudez Polymedic Hospital sa Caloocan pero sinabi doon na wala silang mga kagamitan para sa operasyon.

Hanggang sa makarating ang mag-asawa sa San Jose del Monte, Bulacan, subalit ang pinuntahang Skyline Hospital and Medical Center at Grace General Hospital ay wala namang available na obstetrician.

Walang nagawa ang mag-asawa kundi lumipat sa kalapit na San Jose del Monte General Hospital na hindi naman sila tinanggihan subalit huli na ang lahat dahil pagdating nila dito ay idineklara nang dead on arrival ang ginang.

“Masayadong masalimuot at maraming rason ang mga pinagdalhan kong ospital at hindi man lamang nila inalam ang vital signs ng misis ko. Sinisisi ko rin ang sarili ko dahil wala akong maipambayad agad sa hinhinging downpayment sa FEU Hospital. Dalawang oras ang biyahe namin mula FEU Hospital hanggang Bulacan kaya siguro naubusan na ng dugo ang misis ko,” malungkot na pahayag ni Bulatao.

Nanawagan naman si Bulatao na umaasa siyang aaksyunan ng pamahalaan at tutulungan siyang maghain ng reklamo laban sa mga nabanggit na ospital na tumangging maoperahan ang kaniyang namayapang asawa sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Magugunitang una nang nagbabala ang Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga ospital na tatanggi sa mga pasyente sa gitna ng ipinatutupad na quarantine dulot ng COVID-19. (Dolly B. Cabreza)