Hinto kayo sa drugs wala nang patayan — PDu30

Kung gusto ng mga Pinoy na mahinto ang kaliwa’t kanang ­pata­yan dapat nang tigilan ng bawat isa ang pakikisangkot sa iligal na droga.

Ito ang pahayag ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte nang magtalumpati sa isang okasyon (2016 Search for Outstanding Government Workers) sa Palasyo ng Malakanyang kagabi.

“Itong sa drugs may I suggest a way of action. Gusto ninyong hintuin ang patayan, hinto kayo sa drugs wala nang patayan. Tutal ang naghihinakit lang naman dito ‘yung mga punerarya wala tayong pakialam sa kanila. Hintuin lang ninyo ang droga kayong nag­luluto ng droga p^%$#^-ina maghinto kayo ‘pag inabot ng pulis magbaba­rilan na naman kayo,” giit ni Pangulong Duterte.

Ang mga pulis ay preparado umanong maki­pagbarilan sapagkat ang mga ito ang umaatake laban sa mga dawit sa ka­lakaran ng iligal na droga.

“Hintuin lang ninyo ang droga good na tayo. Gusto ninyong mamatay pumasok kayo sa droga ‘yan lang,” ani Duterte.

Sa hiwalay na seremonya kahapon ng hapon, sinabing muli ni Pangulong Duterte na hindi nito tatantanan ang laban sa iligal na droga hangga’t hindi nauubos ang mga drug lord at drug pusher.