Tumaas ang bilang ng mga nahuli sa ipinapatupad ng Metropolitan Manila Development (MMDA) na Anti-Distracted Driving Act (ADDA) o pagbabawal ng paggamit ng mobile phone o anumang uri ng electronic gadgets habang nagmamaneho.

Ayon sa MMDA, sa pangalawang araw, nasa 146 na mga motorista ang nahuli kahapon matapos lumabag ang mga ito sa ADD Law, No Contact Apprehension.

Mula alas-sais ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga nahuli ang mga nasabing motorista.

Kabilang sa mga ito ang 5 sa PUB, 1 sa UV Express, 34 sa pribadong behikulo, 98 sa motorsiklo, 7 sa truck at 1 ang bisikleta.

Nauna nang inihayag ng MMDA sa sinumang violator sa naturang batas trapiko ay papatawan ng multang P5,000.00 sa unang paglabag, P10,000.00 para sa ikalawang paglabag at P15,000.00 para sa ikatlong paglabag at tatlong buwang suspension ng driver’s license.

Kapag nasa pangatlong beses na sa paglabag ay revocation na ng driver’s license at P20,000.00 multa.

Magiging liable din sa naturang batas trapiko ang mga may-ari at operators ng Public Utility Vehicles (PUVs) at commercial vehicles.