‘Di naiwasan ni Agatha Christiensen Wong ang mapaluha sa pagtanggap ng kanyang ikalawang medalyang ginto sa harap ni Team Pilipinas Chef de Mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez sa awarding ceremonies ng wushu event ng PH 30th Southeast Asian Games 2019.
Lumuluha si Wong, 21, ‘di dahil sa lungkot kundi sa pagbabalik alaala sa kanyang mga paghihirap bilang isang atleta ng wushu, estudyante (College of Saint Benilde), anak at mga dinanas na sakit at sakripisyo sa training hanggang sa maging multi-gold medalist sa 11-nation, 12-day biennial sportfest.
“These tears are for the people who thought that wushu is “just” as sport. It’s my sport. My body has been broken one too many times and this moment led me to tears. All for God and country. Maraming salamat po,” bulalas ni Wong sa kanyang Twitter account.
Lubhang nabalot ng saya si Wong dahil natupad ang kanyang pangarap na makadalawang ginto at naipakita rin sa harap ng mga kababayan kung bakit kailangan niyang manatili sa ibang bansa, sumali sa mga torneo at maghirap para lang mabigyan ng dangal at prestihiyo ang bansa. (Lito Oredo)