Pinapurihan at pinalakpakan ng mga mambabatas ang isang 29-anyos na sundalo na isa sa mga commanding officer na nakiki­paglaban sa Maute Group sa Marawi City matapos nitong ilahad sa joint session ng Kongreso ang dinanas na hirap sa pakikipaglaban sa mga terrorist group.

Ayon kay First Lt. Kent Fagyan, commanding officer ng Philippine Army na marami na itong karanasan sa giyera – sa 2013 Zamboanga Siege at sa unang pag-atake ng Maute sa Lanao del Sur noong 2016 subalit ibang iba ang laban sa Marawi City.

“Comparing sa mga previous encounter sa Maute Group, upgraded po ‘yung dito sa Marawi kasi marami na silang 50-caliber, radio frequency scanner, may drones, tapos parang unlimited ‘yung bala nila” ani Fagyan na sugatan man ang kanang braso na nakuha sa clearing operations ay handa pa rin siya na bumalik sa Marawi City at magpatuloy ng laban.

Aminado si Fagyan na hirap man sila sa giyera, kailanman ay hindi nila naisip na nag-iisa sila sa laban.

“In behalf po sa mga kasamahan kong lumalaban pa sa Marawi, nagpapasa­lamat po kami sa patuloy na pagtulong niyo sa amin kasi nararamdaman po namin na hindi kami nag-iisang lumalaban sa kanila,” wika pa ni Fagyan.