Hirap na talaga

racing-feature andy sevilla

Sa pagbagsak ng revenue o sales sa karera, hindi lang major players dito ang nagrereklamo dahil sa pagliit din ng kinikita nila. Pati na mga operators ng off-track betting stations (OTBs).

Halos 90 porsyento ng operators ng OTBs sa bansa ay nangungupahan ng kanilang establisimyento. Upa pa lang sa bahay ay commercial na ang rate kaya mas mataas ang kanilang buwanang pinapasan.

Pagkatapos nito ay kailangang maglabas ng puhunan na P100,000 para sa betting machines na kanilang kukunin sa bawat karerahan.

Marami ang nagreklamo kamakailan dahil hindi raw inaamin ng isang racing club na nanguha sila ng ganung halaga sa mga matagal nang operators nang mag-apply ang mga ito sa kanila kapalit ng pagpapahiram ng betting machines.

Malalaman mo ba naman kung saan mo naitago ang resibo mo ganung halos mahigit 10-15 taon na ang nakaraan?

Kailangan mo ding mag-maintain ng Wi-Fi connection sa PLDT o Globe buwan-buwan.

Iba pa ang bayad sa tubig at ilaw buwan-buwan at cable connections.

Masuwerte raw ‘yung iba sa mga operators dahil nakakuha sila ng 1 percent na commission sa kanilang total sales mula sa Metro Manila Turf Club ganung .75 percent lang sa dalawang karerahan. So, kapag maliit ang benta sa takilya, maliit din siyempre ang porsiyento mo o kikitain sa OTB.

Nandiyan din ang business permit na halos taun-taon ay tinataasan ng city hall na sumasakop sa kanila.

Karamihan sa OTBs ay mga restaurants o may karinderyang kasama para pandagdag sa kita. Pero hindi ito panigurado na kikita dahil karamihan sa mga parukyano sa OTBs ay hindi doon kumakain o umiinom.

Suwerte ka na daw kapag ‘yung isang beer na iniinom ng isang parukyano ay maubos hanggang sa huling karera kapag umorder ito sa Race 1 – halos 4 na oras ‘yan sa mesa!