Hirit na motion to quash ni ex-Antique Rep. Javier ibinasura

Ibinasura ng San­diganbayan ang motion to quash ni da­ting Antique Rep. Exequiel Javier kaugnay sa kaso nitong graft and corruption.

Sa 25-pahinang re­solusyon ng 3rd Division, iginiit ng korte na nakitaan ng probable cause upang kasuhan si Javier at mga da­ting opisyal ng probinsya na sina Patnongon Mayor ­Henry Mondejar, Councilor Teopisto Estaris at chairman ng Greater Antique Development (GRAND) cooperative Efren ­Escavilla.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y maano­malyang transfer ng ownership ng 40-toneladang rice mill na nagkakahalaga ng halos P9.10 milyon sa pagitan ng 2007 at 2008, kung saan sinasabing nakipagsabwatan ang mga natu­rang opisyal at pitong iba pa sa dating kongresista.

Lumitaw din na ga­ling umano sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Javier ang naturang halaga na dapat sana’y ita-transfer sa nasasa­kupan ni Mondejar.

Una nang iginiit ni Javier na nabigo ang Office of the Ombudsman na ilatag ang mga ebidensyang magpapatunay na may sabwatan, gayundin na may inordinate delay sa preliminary investigation ng kaso.

“Plainly, the Office of the Ombudsman took prompt action after the case was docketed for preliminary investigation on August 28, 2013. While there may have been delay in the disposition of the case before the Office of the Ombudsman, the court does not find such delay as vexatious, arbitrary, capricious or oppressive,” tugon naman ng Sandiganbayan.