Hindi pinaboran ng Sandiganbayan ang hi­ling ni Norzagaray, ­Bulacan Mayor Alfredo Germar na suspen­dihin ang proceedings kaugnay sa kaso niyang graft na may kinalaman sa umano’y irregular appointment nito ng mga consultant.

Sa resolusyon ng Sixth Division ng ­anti-graft court, nakasaad na ibinasura ang mosyon ng alkalde dahil sa kabiguan nitong sundin ang itinakdang panahon para sa paghahain ng kanyang mosyon.

“It is apparent that the accused may no long­er seek the suspension of the proceedings on such ground because his motion should have been filed before the prosecution rests. Here, the prosecution had already rested its case. In fact, it is already the accused’s turn to present his evidence,” ayon sa Sandiganbayan.

Kinasuhan si Germar ng dalawang bilang ng graft nang i-hire umano nito ang anim na consultant noong 2013 at pinasahod nang walang appro­val ng municipal council.

Napatunayan ng Ombudsman na guilty si ­Germar sa kasong grave misconduct at pinatalsik mula sa serbisyo.

Inakyat ni Germar sa Supreme Court (SC) ang kanyang kaso, na binaliktad ang desisyon ng ­Ombudsman.

Ngunit giit ng San­diganbayan, ang SC ru­ling ay hindi maa­aring basehan para sa acquittal ni Germar, bagkus ay maaaring gamitin sa pagresolba sa kaso.