Ipauubaya na sa mga gobernador at mayor ng mga local government unit (LGU) Ang pagpapasya kung papayagan ang kahilingan ng Simbahang Katolika na buksan na ang kanilang mga simbahan sa mga lugar na nasa general community quarantine para makapagdalos ng mga religious activity.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na may agam-agam ang mga lokal na opisyal dahil sa pangambang baka muling tumaas ang mga kaso ng COVID-19 katulad ng nangyari sa South Korea.
Wala aniyang katiyakan na maipatutupad ang social distancing sa loob ng mga simbahan kaya ipauubaya na ng Malacañang sa mga local executive ang desisyon hinggil dito.
“Pinakikinggan po talaga ang ating mga governor, ang ating mayors at titingnan po natin kung ano ang pupuwedeng gawin,” ani Roque.
Nauna rito inihayag ni Bishop Broderick Pabillo na naglatag na sila ng mga guideline para matiyak ang kaligtasan ng mga deboto sa coronavirus disease 2019.
Pero sinabi ni Roque na hindi niya sigurado kung natanggap na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ni Bishop Pabillo dahil wala siyang naririnig sa mga pulong hinggil dito.
“I have been attending the IATFs meeting at wala pong mag-circulate na proposal si Bishop,” dagdag ni Roque.
Matatandaang binawi ng IATF ang go signal para sa mga misa at iba pang mga relihiyosong pagtitipon sa ilalim ng general community quarantine matapos magpahayag ng pangamba ang mga local official sa posibilidad na baka dumami ang makontamina ng COVID-19 kapag pinayagan ang ganitong aktibidad.