Sinang-ayunan nina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Bayan Muna chairman Neri Colmenares ang kartada ni Labor Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III na masyadong katiting ang naging umento sa suweldo.
“Napakaliit talaga ng P25 wage increase na pinatupad ng gobyerno nitong nakaraan at ‘di nito kayang pantayan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN law. We agree with Sec. Bebot that the wage increase should be at least a 100 pesos more,” pahayag ni Colmenares.
Ayon kay Colmenares, para makontra ang mataas na presyo ng pangunahing bilihin at ang impact ng pangalawang tranche ng TRAIN law ay dapat magkaroon ng national minimum wage sa lahat ng manggagawa sa bansa lalo na’t nagtatataasan ang halaga ng mga produkto at serbisyo.
Napapanahon na batay naman kay Rep. Zarate na ipatupad ang P750 national minimum wage na nakapaloob aniya sa inihain nilang House Bill 7787.
Kinakailangan din aniyang maaprubahan ang House Bill 7653 para mapawalang bisa ang mga antipeople na probisyon na nakasapin sa TRAIN law gaya ng excise tax sa langis. (Aries Cano)