Tinabla ng administrasyong Duterte ang counter proposal ng Philippine Airlines, ang kumpanyang pag-aari ng negosyanteng si Lucio Tan.
Isiniwalat ni Transportation Secretary Arthur Tugade nitong Biyernes na nagsumite ng counter proposal ang PAL subalit ipinabalik niya ito dahil sa hindi katanggap-tanggap ang nilalaman.
“May counter proposal pero hindi ko sasabihin sa media. Ibabalik ko yung proposal sa kanila,”diin ni Tugade.
May pagkakautang ng P 7.3 bilyon ang PAL sa gobyerno mula sa hindi binayarang singilin sa landing, navigational at iba pang fees na naipon sa loob ng maraming taon.
Nagbanta na si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasara niya ang Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na eksklusibong ginagamit ng flag carrier kapag hindi binayaran ang pagkakautang sa gobyerno sa loob ng sampung araw mula noong Miyerkules.
Tiniyak naman ni Tugade na isinasaalang-alang pa rin nila ang kapakanan ng mga pasahero sa ginagawa nilang paghahabol sa pagkakautang ng PAL sa gobyerno.
“Papaano pasahero? Papaano publiko? Isinasaalang-alang namin ang publiko. May balancing system sila,”ayon pa sa kalihim.
Sa mga nakalipas na taon ay pinabayaan umano ng nagdaang administrasyon ang paniningil sa utang ng PAL kung kaya’t lumobo ito sa P 7.3 bilyon.
Nitong Huwebes ay kinumpirma ng pamunuan ng PAL na tinatrabaho na nila ang “amicable settlement” sa mga susunod na araw upang maayos ang gusot na ito.