Pinagtibay ng Sandiganbayan ang mga kasong isinampa laban kay dating House Deputy Speaker Arthur Yap kaugnay sa maanomalya umanong pag-apruba sa car loan plans para sa Board of Trustees ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) mula 2008 hanggang 2009.
Sa isang resolusyon na may petsang Pebrero 27, 2019, ibinasura ng Sixth Division ng anti-graft body ang mosyon ni Yap na humihiling na idismis ang mga reklamo laban sa kanya.
Kasama ring ibinasura ng Sandiganbayan ang parehong apela ni dating PhilRice executive director Ronillo Beronio at mga dating board member Johnifer Batara, Fe Laysa, Senen Bacani, at Rodolfo Undan dahil sa kawalan ng merito.
Nag-ugat ang mga nasabing kaso mula sa pagsasabwatan umano nina Yap at Board of Trustees para payagan ang 10 beneficiary-employee ng ahensya na makakuha ng personal loan mula sa Philippine National Bank (PNB) para sa pagbili ng mga bago at pribado nilang mga kotse.
Gayunman, ipinarenta umano ang mga kotse sa PhilRice para gamiting opisyal na sasakyan ng mga empleyado gayung patuloy silang tumatanggap ng kanilang transportation allowance.
Kalihim ng Department of Agriculture si Yap nang sumabog ang nasabing kontrobersiya.