Mga laro ngayon (MOA Arena, Pasay)
2:00 p.m. — San Beda vs. Mapua (jrs)
4:00 p.m. — San Beda vs. Arellano U (srs)

Pakay ng San Beda na tapusin ang series ngayong araw pero pipilitin ng Arellano U na humirit ng do-or-die at pahabain ang best-of-three finals ng 92nd NCAA men’s basketball tournament.

Maghaharap sa Game 2 ang Red Lions at Chiefs mamaya sa Mall of Asia Arena.

Sinandalan ng San Beda ang troika nina Robert Bolick, Dan Sara at Benedict Adamos para mahablot ng Red Lions ang 88-85 panalo sa Game 1 at lumapit sa pagbawi ng titulo na naagaw sa kanila ng Letran Knights noong nakaraang taon.

Sakaling magkaroon ng Game 3, ilalaro ito sa Huwebes.

“If Game 1 is hard, expect Game 2 to be hardest because we know Arellano will adjust,” ani San Beda coach Jamike Jarin.

Sa opener, pumutok si Bolick ng 24 points kasama ang six sa stretch.

Maging sa depensa ay naasahan ang 20-year-old La Salle transferee matapos pahirapan si Arellano star Jio Jalalon sa clutch.

“If we could play as hard, if not more, we’ll have a chance,” saad ni Bolick.

Bumanat si team captain Sara ng six points, 13 ­rebounds at 11 assists, nadepensahan din niya ang alalay ni Jalalon na si Kent Salado.

Kumana si 6-6 Adamos ng 16 markers at seven boards.

Matapos ang collapse sa Game 1, plano ni Jalalon na makabawi.

“I’m thinking more of what I will try to do in Game 2 than look at what happened in Game 1 ­because I just want to help my team stay alive,” wika ni Jalalon na may inambag na 21 puntos sa talo.

Para kay Arellano mentor Jerry Codiñera, maglaro bilang isang team ang susi sa kanilang tagumpay.

“We relied more on individual plays in Game 1, we need to stick together and play as a team in Game 2 for us to have a chance,” pahayag ni Codiñera.