Obligado na ang lahat ng pampublikong bus sa bansa na magkabit ng Global Positioning System (GPS) device para mai-promote ang kaligtasan sa kalsada.
Ito ay matapos katigan ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagkabitin ang lahat ng bumibiyaheng bus ng GPS para sa kanilang kaligtasan sa kalsada.
Sa limang pahinang resolusyon ng CA ay ibinasura nito ang mosyong inihain ng Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas o dating Provincial Bus Operators Association of the Philippines na humiling na balewalain ang kautusan ng una noong Pebrero 27, 2018 dahil sa kawalan ng merito ng kanilang apela.
“After a careful scrutiny of the arguments raised in the instant motion, this Court finds that the same must be denied for lack of merit. The instant motion does not raise new and substantial issues that would warrant the reversal of this Court’s decision dated February 27, 2018,” ayon sa desisyon ng CA.
Una nang pinagtibay ng CA ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court noong Enero 17, 2017 na nagdedeklara na naaayon sa Konstitusyon ang Memorandum Circular Nos. 2015-021 and 2015-026, na inisyu ng LTFRB noong Hunyo 26, 2015 at Nobyembre 16, 2015.
Taliwas sa claim ng petisyuner na hindi makatwiran ang LTFRB, naniniwala umano ang CA na ang GPS project ay ipinatupad ng LTFRB base sa masusi at maingat nilang pag-aaral.
Idinagdag pa ng CA na ang pag-oobliga sa mga operator na magkabit ng GPS sa kanilang mga unit ay nasa kapangyarihan ng LTFRB na maaaring isama sa terms and conditions sa pagkakaloob ng prangkisa sa mga PUV operator.