Pormal nang inihain kahapon ng isang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang petisyon para ibalik sa P10 ang regular na pasahe sa jeep.

Ayon kay Efren de Luna, national president ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), naaayon sa batas ang kanilang kahili­ngan at batay din sa desisyon ng LTFRB noong Oktubre 18, 2018 ang P10 regular fare sa jeep.

Bukod pa aniya sa ­ligal na batayan, ang presyo ng diesel ngayon ay umabot na sa P44.28 kada litro at patuloy na tataas ayon na rin sa trend nito.

Binanggit pa ni De Luna na mga dahilan ng kanilang petisyon para ibalik sa P10 ang pasahe sa jeep ang pagtaas ng voluntary contribution sa Social Security System (SSS), mandatory 20% discount sa mga personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), senior citizen, person with disability (PWD) at mga estudyante ganundin ang mga pasaway na traffic enforcer.

Umaasa si De Luna na maglalabas agad ng desisyon ang LTFRB para ipa­tupad ang P10 pasahe.