Iniinda ni Paul Lee ang nananakit na mga hita na nabugbog noon pang March 13 sa 109-83 panalo ng Magnolia Pambansang Manok kontra Columbian.
Sumalang si Lee sa pagyuko ng Hotshots sa Barangay Ginebra via overtime 97-94 noong Linggo. Hindi nawala ang sakit pero inilaro pa rin niya nitong Miyerkoles laban sa NorthPort.
Tumabo si Lee ng 20 points para giyahan ang Magnolia sa 103-90 victory sa Batang Pier.
Naghahabol sa playoffs ng PBA Philippine Cup ang Hotshots, kabuhol sa sixth-eighth ang NLEX at Alaska sa elims. Kailangan nila si Lee para mapaypayan ang tsansa sa quarterfinals.
“Masakit, masakit siya,” pag-amin ni Lee pagkatapos ng NorthPort game sa Smart Araneta Coliseum. “‘Wag naman sana lumala nang grabe, kasi same area nu’ng natamaan sa akin nu’ng game namin sa Columbian. Medyo masakit ngayon.”
Sa huling laro ay 8 of 16 mula sa field si Lee, may 4 assists at 3 rebounds.
“Alam naman natin ‘yang batang ‘yan, ‘di talaga susuko kahit may nararamdaman,” lahad ni coach Chito Victolero sa kanyang combo guard.
“‘Yung kanyang mga hita may pasa-pasa. But he needs to play…”
Hindi pa makakapagpahinga si Lee, dahil sa pangatlong sunod na playing day ay sabak na naman ang Magnolia laban sa 2-8 Blackwater sa Ynares Center sa Antipolo mamaya. (Vladi Eduarte)