HITLER REMARK NI PDU30 MAHIRAP GAMUTIN

Kahit ano pang gawing paliwanag ng mga spokesperson, mahirap ‘gamutin’ ang idinulot na ‘sugat’ ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na gusto nitong gayahin ang ginawa ng diktador na si Adolf Hitler sa 3 milyong adik sa Pilipinas.

Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na kahit ano pang ‘damage control’ ang gawin ng mga tagapagsa­lita ng Pangulo, hindi nila maaagapan ang batikos na nakukuha ng Pangulo at ng Pilipinas dahil lamang sa komento kay Hitler.

Nanindigan si Lacson na hindi misquoted, biro o mali lang ng interpretasyon ng mga kritiko, lokal man o international media dahil malinaw talagang ikinumpara ng Pangulo ang kanyang sarili kay Hitler.

“…maliwanag nakita naman natin ang sinabi niya. Maski anong interpretation to the contrary mahirap talagang i-cure na ang tinutumbok doon talagang pagkakaroon ng pagkukumpara at siya mismo gumawa ng pagkumpara. Maski anong explanation ang gawin ng mga spokesperson niya.

Katunayan nakakaawa na nga sila dahil hirap na hirap mag-explain pero wala tayong magawa nasabi na ng Pangulo ‘yan at nag-react na ang buong mundo,” paliwanag ni Lacson sa isang radio interview kahapon.

Ang kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Duterte ay ginawa sa pag­lapag nito sa Davao International Airport matapos ang two-day working visit sa Vietnam noong Biyernes.

Kung umalma ang bansang Germany at Israel sa naging pahayag ng Pangulo, sinabi ni Lacson na wala tayong karapatan na magreklamo. Dominante ng mga Jews ang bansang Israel.

Noong ikalawang pandaigdigang digmaan, tinatayang anim na milyong Jews ang ipinapatay ni Hitler dahil sa paniniwala na ang lahat ng problema ng Germany ay kagagawan ng mga Hudyo.

Ayon pa kay Lacson, sana ay pulungin ng mga adviser at cabinet members si Pangulong Duterte at payuhan ito na maghinay-hinay sa pananalita dahil anuman ang lumabas sa bibig nito ay nagiging polisiya na ng gobyerno.

“I just hope ang adviser ng Pangulo magkaroon ng masinsinang pag-uusap tungkol dito, sama-sama ang malapit sa kanya, member ng Cabinet especially communications group, at sana pakinggan sila, dapat maghinay-hinay ‘di ‘yung bara-bara. Mahirap bawiin,” giit ni Lacson.

“Parang toothpaste na lumabas sa tube ‘yan. Kung nasabi na mahirap bawiin. Pwede mo i-correct, i-clarify o ibahin ang meaning ng sinabi pero sa mga nakakarinig, napakalinaw ng salita, mahirap baguhin ang intent ng pagkasabi,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, humi­ngi ng paumanhin si Pa­ngulong Duterte sa Jewish community na nasaktan sa kanyang kontrobersyal na pahayag.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya intensyon na saktan ang damdamin ng mga Jew sa buong mundo kundi bumuwelta lang siya sa mga taong nagkumpara sa kanya kay Hitler.

“There was never an intention on my part to derogate the memory of six million Jews murdered by the Germans,” wika ng Pangulo nang ma­ging panauhin sa opening ceremonies ng Maskara Festival sa Bacolod City.

“I apologize profoundly and deeply to the Jewish. It was never my intention but the problem was, I was criticized using Hitler comparing to me,” ayon sa Pangulo.

Nanindigan naman si Duterte na hindi siya mag-a-apologize sa European community bagkus ay: “baka sipain ko pa kayo”.