Hitman ng SPARU-NPA nasapul sa shootout

Patay ang isang hitman na miyem­bro ng Special Partisan Unit ng New People’s Army (SPARU- NPA) na responsable sa pagpatay sa ilang pulis matapos manlaban sa mga aarestong kagawad ng pulisya kahapon nang umaga sa Alaminos, Laguna.

Kinilala ang suspek na si Christopher Esabia o mas kilala sa panga­lang ‘Ka Botong’, hitman ng SPARU unit ng NPA.

Ayon kay Police Col. Eleazar Matta, Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office, magsisilbi lang sanang warrant of arrest ang pulisya laban sa suspek sa pinagtataguan nito sa Brgy. Palma 2 sa Alaminos, Laguna dakong alas-7:30 nang umaga subalit hindi pa man nakalalapit ang mga pulis sa kubo nito ay agad na silang pinagbabaril ng suspek.

Nakuha namang makaganti ng putok ng mga pulis dahilan upang masapul ang suspek na isinugod pa sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara na rin itong dead-on-arrival.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 baril na ginamit sa panlalaban nito, 1 kalibre .45 baril na nakalagay sa bag at wallet na naglalaman ng ID ng suspek.

Ang grupo ni Ka Botong ay sinasabing responsable sa pagpatay sa ilang pulis na kinabibilangan nina Police Lt. Col. Rodney Ramirez; Danilo Yang; Dante Liwag; PO1 Oliver Ilagan, at PO1 Christopher Tria. (Edwin Balasa)