HIV at ang mahiyaing Pinoy

Dahil sa ingay sa pulitika ay hindi na napapansin ng karamihan sa mga Pinoy ang mas malalang problema at panganib na kinakaharap ng bawat Maria at Juan.

Mas napupukaw kasi ang atensiyon at interes ng karamihan lalo ng mga netizens sa bangayan at sagutan ng mga pulitiko sa social media habang naisasantabi naman ang mga impormasyon sa isyung pangkalusugan lalo na sa isyu ng HIV o Human Immuno Virus.

Nakakaalarma na ang pagtaas ng kaso ng may HIV sa bansa habang ang ibang mga bansa ay pababa na ang bilang ng mga may ganitong sakit.

Sa katunayan, ang Pilipinas na ang may pinakamataas na HIV cases sa Asya  na naitala sa 1,098 noong buwan ng Mayo at may average na 35 kada araw.

Kaya tumataas ang bilang ng may HIV sa bansa­  ay dahil nagtatago ang mga may sakit nito at ­nahihiyang lumantad dahil sa takot na pandirihan sila o layuan o makaranas ng  tinatawag na social stigma.

Batay sa record ng HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines, mahigit siyam na raan sa mga may HIV ay mga lalaking nakipagtalik sa kapwa lalaki habang ang iba naman ay sa pamamagitan ng bise­xual o puwede sa babae o lalaki.

Hindi naman kasi kailangang mag-asal kuneho sa pakikipagtalik pero tila nakalimutan ang pag-iingat kaya pagkatapos ng ligaya ay kalbaryong tunay ang kapalit.

Walang lunas ang HIV, at kapag nagpositibo ang isang tao ay panghabangbuhay na sakripisyo na ito.

Hindi naman puwedeng isisi lahat ang kamalasan ni Juan o ni Maria  sa Department of Health dahil mayroon naman silang information campaign patungkol sa HIV subalit sadyang matigas ang ulo ng ilan .

Ayon kay Health secretary Paulyn Ubial may libreng gamot para sa mga mayroong HIV subalit ito ay para palakasin lamang ang immune system at pinapahina ang viral infection at habangbuhay na gamutan na ito.

Kaya para sa mga mapupusok na kabataan na naiba na ang kultura at pagkaintindi sa kasayahan o ‘adventure’ maging responsable at isipin muna ang posibleng kahinatnan bago gawin ang kapritso ng laman.

Para makaiwas sa peligro, tiyaking laging may dalang ‘kapote’ sa pitaka para hindi makahawa.

Nakatitiyak ako, marami pa diyan ang mayroon ng kakaibang nararamdaman sa katawan pero nahihiyang magpa-HIV test dahil umiiwas na mahusga­han. Huwag ganon.

Huwag kayong matakot at mahiya, may mga special clinics at counselling services sa mga panguna­hing lungsod na maaring tumulong sa inyo para kayo maligtas bago maging huli ang lahat.