Ni Aries Cano
Puwede ng sumalang sa boluntaryong HIV testing ang mga menor-de-edad kahit walang pahintulot ng mga magulang alinsunod sa ilang kondisyon.
Ito ang nakapaloob sa HIV-AIDS Policy Act, ayon kay Deputy Majority Leader at Kabayan Party-list Rep. Ron Salo.
Si Salo ay miyembro ng bicameral conference committee na tumalakay sa Philippine HIV-AIDS Policy Act.
Sa pamamagitan ng bagong batas ay inaasahang maaagapan ang pagkalat ng HIV-AIDS lalo na sa mga kabataan.
“Ngayon, higit kailanman mahalaga ang papel ng mga social worker at health professional kaugnay sa pagkalinga nang mga may kabataang Pilipinong posibleng may HIV,” pahayag ni Salo.
“Kapag wala ang magulang o hindi tanto ng mga magulang ang halaga ng HIV testing para sa menor-de-edad nilang anak, nariyan dapat ang social worker or health worker para umagapay batay sa kanilang sinumpaang tungkulin,” dagdag nito.
Inaantabayanan na lamang aniya ang implementing rules and regulations nang sa gayon ay maipatupad sa lalong madaling panahon ang mga probisyon ng bagong batas para sa kapakanan ng mga minor.