Hiwalay na kulungan sa mga heinous crime convict

Suportado ng Department of Justice (DOJ) ang mga panukala na layuning malutas ang problema ng siksikan sa mga bilangguan sa bansa kabilang na ang pagtatayo ng hiwalay na kulungan para sa mga high-profile heinous crime convict.
Inihayag ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng mga panawagan na magtayo ng tatlong maximum penal in­s­titution sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Gayunman, maaaring mahirapan aniya na maipatupad ito lalo pa at prayoridad sa ngayon ang sektor ng public works at edukasyon.
Pero posibleng solusyon aniya ang pagsasapribado ng ilang bahagi ng New Bilibid Prison (NBP) property para magamit ang pondo sa pagpapatayo ng mga bagong bilangguan.
“A possible gamechanger is the privatization of the sellable portions of the NBP property, which could be the stand-alone funding source,” ani Guevarra.
Gayunman, kinakailangan aniya na isailalim ito sa komprehensibong legal audit at pag-aaral idagdag pa ang political will para maisakatuparan ito.
Una nang inihain ng Senate Committees on Justice and Human Rights, Public Order and Dangerous Drugs, at Finance ang Senate Bill No. 1055 para sa pagpapatayo ng hiwalay na bilangguan sa mga preso na sangkot sa karumal-dumal na krimen. (Lorraine Gamo/PNA)