Ipagpaliban man ang barangay election, nais naman ni Sen. Bam Aquino na ituloy o magkaroon ng hiwalay na eleksyon para sa Sangguniang Kabataan (SK) ngayong Oktubre.

Iminungkahi ito ni Aquino sa pagdinig ng Senado ukol sa mga panu­kalang ipagpaliban ang barangay at SK polls.

Hiniling ni Aquino sa mga kapwa mambabatas at kaukulang ahensya ng pamahalaan na tingnan ang posibilidad na magsagawa ng hiwalay na SK election sa Oktubre ngayong taon.
Ito’y upang ipatupad umano ang Republic Act 10742 o ang SK Reform Act.

“The last SK election was 7 years ago. Since then, we’ve reformed the SK and even included an anti-political dynasty provision. I would personally want to see the SK elections push through to empower our youth leaders,” ayon kay Aquino.

Bukod dito, ayon sa senador, ito’y daan na rin upang mahikayat umano ang mga kabataan na tumulong sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

“Instead of inciting fear, let’s give the youth the opportunity to help solve the drug problem and other issues in their community. Let’s encourage them through the SK,” dagdag pa ni Aquino.

Ang panukalang pagpapaliban ng barangay at SK elections ay inaasahan maipapasa ng Kongreso sa susunod na buwan batay na rin sa naunang pahayag ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel.

Mismong ang pa­ngulo ang nagtutulak na ipagpaliban ang halalan dahil sa pagkakasangkot umano ng mga barangay officials sa illegal drug trade.